Inihayag ng mga otoridad sa Iloilo City na may natagpuang bangkay ng isang babae sa loob ng isang lodging house sa probinsya na pinaniniwalaang pinatay ng kasama nito sa loob nang mag-check-in sila.
Ayon sa pulisya, masahista umano ang babae ay Sabado ng umaga umano nang makita ang bangkay ng 39-anyos na biktima at dagdag nila, may sugat ang biktima sa tiyan at tagiliran, may mga pasa sa mukha at bakas ng dugo sa ulo.
Suspek sa krimen ang lalaki na kliyente ng biktima na kasabay umano nitong nag-check in sa naturang establisimyento dakong 3:00 am.
Pero pagkaraan ng ilang oras, una umanong umalis ang lalaki. Nang tingnan ng mga room boy ang kuwarto, nakita nila ang bangkay ng biktima sa sahig.
Sinabi ng mga pulis na posible umanong panggagahasa o pagnanakaw ang motibo ng salarin. Nawawala rin daw ang cellphone at pera ng biktima.
Lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na unang nagtungo ang suspek sa spa kung saan nagtatrabaho ang biktima.
Sinabi ng may-ari ng spa, na nagpaalam umano ang biktima na lalabas dahil nais umano ng kliyente na mag-extend ng massage service sa kalapit na lodging house.
Aalamin ng mga awtoridad kung dati nang magkakilala ang biktima at ang suspek. Ngunit ayon sa may-ari ng spa, bagong kliyente lang nila ang lalaki.
Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek, na nakuhanan ng CCTV camera na kasama ang biktima na naglalakad bago maganap ang krimen.