Talagang ang ating mundong ginagalawan ngayon ay patungo na sa tinatawag na digitalization at modernization dahil sa mga makabagong teknolohiya na naiimbento at natutuklasan na nakakapagpabuti sa paraan ng ating mg pamumuhay.
Pero hindi lamang tayo ang sumasabay ngayon sa modernisasyon, dahil maging ang Mandaluyong City Jail ay yumayakap na rin sa modernisasyon at talagang matatawag nang high-tech ang pasilidad nito para sa mga persons deprived of liberty (PDLs).
Sinasabing “state of the art” na at pinaka-hi-tech na kulungan sa bansa ang bagong Mandaluyong City Jail na sakop ang 2,500 square meters at may siyam na palapag, fully-functional elevators, generator at solar panel power backup.
Ipinagawa ito sa halagang P429 milyon sa ilalim ng Build Build Build program ng Duterte administration.
Ayon kay Jail Superintendent Lino Soriano, male dormitory warden ng Mandaluyong City Jail, ang kanilang pagsasaayos ng kanilang kulungan ay nabuo sa pakikipagtulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan, para matugunan ang congestion rate sa Mandaluyong, at mabigyan ng maayos na kalagayan ang PDLs.
Sa halip na pahalang, ginawang paitaas ang pagdadagdag ng iba pang kuwarto at pasilidad para matugunan ang mga PDL.
Dati, hanggang 100 PDL lamang ang kayang tanggapin ng lumang gusali ng Mandaluyong City Jail. Pero lumobo ang bilang ng kanilang mga PDL sa 1,000 dahil sa war on drugs noon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod sa mga elevator, meron din itong sports and recreation at multi-purpose court para sa sports activities ng mga PDL. May music and arts center din kung saan puwedeng magpinta ang mga PDL na may talento.
Bantay-sarado ang bawat palapag ng city jail, na minamanmanan ng CCTV cameras sa situation room. Binabantayan din ng mga awtoridad ang paggalaw ng lupa sa mga naka-ambang paglindol.
Nakokontrol din ang lock sa bawat selda ng city jail gamit ng computer, kaya kusa na itong bumubukas sa isang tick lang ng mga jail guard at nakahanda naman ang kanilang generator at solar panel power backup kapag nagkaroon ng malawakang power interruption.
Gamit naman nilang panglinis ng pasilidad ang tubig ulan, na iniimbak at idinaraan sa isang filtration system para maalis ang mga dumi nito.
Sana lamang ay magawan ng paraan ng ating pamahalaan na maging high-tech na rin ang ibang mga piitan sa bansa dahil ang mga PDLs, kahit nagkasala ay mga tao pa rin na may Karapatan sa maayos na pamumuhay kahit nakakulong.