Sa kabila ng mga programang inilaan ng pamahalaan kaugnay sa pagpapabilis ng mga transaksyon sa mga ahensya ng pamahalaan, talagang hindi pa rin nawawala ang mga tinatawag na “fixers” o yung mga nagpapabilis umano ng transaksyon sa “tamang halaga.”
Bagama’t may mga batas nang ipinapatupad kaugnay sa pagbabawal sa “fixing” at matitindi na rin ang parusang nakalaan sa mga lalabag sa mga batas na ito, talagang talamak pa rin ang paglipana ng mga fixer dahil easy money nga naman ito.
Pero siyempre, hindi lahat ng panahon ay Pasko para sa mga fixer na ito.
Nitong nakaraan lamang, nabisto ang modus ng limang fixer matapos nilang alukin ang mismong hepe ng Land Transportation Office (LTO) na si Assistant Secretary Jay Art Tugade, na nagpanggap na kukuha ng lisensiya kasama ang iba pang mga operatiba sa labas ng isang opisina ng ahensya sa Quezon City.
Dahil sa pangyayari, suspendido na rin ang district office chief ng LTO sa Quezon City.
Kumalat sa mga balita ang video nang ginawang panenermon ni Tugade sa LTO district office chief nang mabuko ang talamak na kalakaran ng mga fixer sa labas ng opisina at napag-alaman ng LTO na P10,500 ang sinisingil ng mga fixer para sa student driver’s permit. Sa normal na proseso, wala pa sa P1,000 ang kailangang ibayad para sa lisensiya.
Nadakip ang limang fixer na naaktuhan ng mga awtoridad. Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Anti-Red Tape Act.
Nahaharap naman ang suspendidong district office chief sa kasong kriminal kung mapatunayang kasabwat siya ng mga fixer.
Inaalam na rin ng LTO kung may iba pang mga opisyal ang sangkot sa ilegal na gawain.
Mabuti na lamang at alerto ang Department of Transportation at ang pamunuan ng LTO sa naging inspeksyon nila, dahil kung hindi ay baka nakalusot pa ang mga fixer na ito.
Sana lamang ay paigtingin pa ng pamahalaan ang kampanya laban sa fixing, upang maiwasan na rin ang mga naglilipanang kamote sa lansangan dahil galing sa mga fixer ang kanilang mga lisensya.