May payo ang aktres na si Jasmin Curtis-Smith sa mga nabibiktima ng mga bashers sa social media.
Sa panayam sa kanya ng King of Talk na si Boy Abunda nitong nakaraan, inamin ng aktres na hindi talaga maiiwasang makarating sa kanya ang mga masasamang komento tungkol sa kanya, lalo na’t laganap ang social media sa panahong ito.
Pero nilinaw niyang nauunawaan naman daw niya na mga personal na pananaw lamang ang mga ito na hindi na dapat pagtuunan ng pansin.
“Mahirap sabihin na hindi or magpaka-strong to say na ‘I don’t care, I don’t give it any notice.’ pero dahil ‘yung panahon, itong last ten years, itong evolution ng social media, kung gaano natin siya ginagamit sa trabaho, mahirap iwasan na hindi mabasa ‘yung mga comments na hindi mo gusto na hindi ka gusto,” saad ng dalaga.
“Pero kailangan mo lang din intindihin na these are only personal opinions. I have my personal opinions about people, so minsan ayoko rin sa ibang tao pero hindi ko lang nati-tweet, pero sa akin umaabot ‘yung mga ibang tao. So learn to brush it off,” dagdag niya.
Ibinahagi pa niya ang tinatawag niyang “art of dedma” na natutunan niya sa kanyang kapatid na celebrity na si Anne Curtis.
“Laging sabi ni ate noon, ‘art of dedma’ which is not very easy to learn lalo na kung sensitive kang tao. Pero it’s a muscle na kailangan mo lang i-exercise everyday, especially kapag nabasa mo na ‘yung ayaw mong mabasa and na-rattle ka na about it kasi mahirap ding pigilan na na-hurt ka or apektado,” sabi pa ni Jasmine.
Bukod sa “art of dedma,” ibinahagi rin ni Jasmine ang isa pang advice ng kanyang ate pagdating sa buhay.
“‘Yung pangalawa Tito Boy, matagal ko nang sinasabi is kapag hindi buong puso, huwag mo nang gawin,” saad niya. “Kasi mahahalata e. Makikita ng tao ‘yun and that goes for work, for relationships, friendships, anything all across the board na pag hindi buo ang puso mo – or kahit simpleng bagay bibili ka ng t-shirt, ‘di buo ang puso mo na bilhin ‘yan, ‘wag na.”