Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Huwebes na nakabalik na sa Pilipinas nasa 35 Pilipino na umano’y sapilitang pinatrabaho sa bansang Namibia sa Africa bilang kolektor ng mga shark fin.
Ayon kay DMW Undersecretary for Licensing and Adjudication Bernard Olalia, karamihan sa mga nasabing Pilipino ay mga taga-Ilocos na magtatrabaho sana sa Taiwan bilang mangingisda.
Pero sa halip na Taiwan, napadpad sa Namibia ang mga naturang Pilipino at puwersahang pinakukuha roon ng mga palikpik ng pating.
Ipinagbabawal sa international law at maging sa batas ng Namibia ang shark finning, ayon pa kay Olalia.
Dagdag pa niya, may human trafficking at forced labor umanong naganap sa kasong ito dahil pinagtatrabaho sila nang 24 oras na walang overtime. Matagal din umano nilang natatanggap ang kanilang sahod.
Sa kabutihang palad, nasagip ng mga awtoridad sa Namibia ang nasabing mga OFW at agad na ipinauwi sa bansa.
Nakatakda namang sampahan ng kaso ang dalawang manning agency na kumuha sa mga biktima, ayon kay Olalia — ang Tri-Oceanic Manning and Shipping Inc. at Diamond Marine Services and Shipping Agency Inc.
“Sila po ay lisensyadong manning agency. Bagama’t lisensyado ito, kapag may violation ka, at hindi mo sinunod ang mga regulasyon ng ating DMW, eh may haharapin ka pong kaso,” saad ni Olalia.
Inendorso na raw sa Department of Justice (DOJ) ang kaso ng mga 35 Pilipino at ang ilan sa kanila, naghihintay na raw kung kailan makakasampa ulit ng barko upang makapagtrabaho.