Nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga drayber at operator ng pampublikong transportasyon ukol sa parusa sa mga lalabag sa batas laban sa sexual harassment.
Ayon sa ahensya, maaaring patawan ng multang aabot sa P5,000 hanggang P15,000 ang mga operator, drayber, kundoktor at iba pang empleyado ng pampublikong transportasyon kung mapatutunayang lumabag sa Safe Spaces Act o Bawal Bastos Law.
Puwede rin umanong masuspinde ang biyahe ng pampublikong sasakyan at matanggalan ng lisensiya ang drayber kaugnay nito at saklaw rin ng parusa ang mga drayber at operator na bigong pigilan or i-report ang mga kaso ng harassment.
Inatasan ng LTFRB ang mga operator na maglagay ng signage na “BAWAL ANG BASTOS” sa mga pampublikong sasakyan, kasama ang contact details kung saan pwedeng magsumbong ang publiko, kabilang ang hotline 1342 at email address na [email protected].
Pero ayon kay Alliance of Concerned Transport Operators (ACTO) president Liberty de Luna, hindi sila nakonsulta tungkol sa nasabing patakaran.
“Pero kung yan po talaga po ay batas na, eh sundin na lang po natin,” sabi ni De Luna.
Dagdag niya, maiging ilapit agad ng mga drayber at operator ang mga kaso ng sexual harassment sa pinakamalapit na istasyon ng pulis.
“Ang masasabi ko na lang po dito sa ating operators at mga drivers natin, kapag may ganoon, tutal naman meron tayong mga konduktor sa ating mga bagong modernized jeep, eh kunin na rin nila ng picture and diretso na po nila sa malapit na himpilan ng pulisya,” dagdag niya.
Makakatulong din aniya sa pagpapatupad ng nasabing batas ang pagkakaroon ng mga CCTV sa ilang pampublikong sasakyan.
“Kailangan po kung magkaroon tayo ng CCTV, and then kung talagang on the, yung that time na nambabastos na po yung ating ibang pasahero sa ating pasahero eh kailangan hinto na lang po nila sa pinakamalapit na istasyon ng pulis para mahuli kaagad,” saad ni De Luna.