Hindi maikakailang talagang ibayong hirap ang nararanasan ngayon ng ating mga kababayan dahil bukod sa hindi pa rin natatapos ang pandemya ay iba’t ibang problema pa rin ang hinaharap ng sambayanan.
Isa na diyan ang patuloy na pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin, pagtaas ng presyo ng langis at siyempre, ang napipintong pagpasok ng El Niño sa bansa na siguradong magpapadagdag ng kalbaryo ng mga mamamayan.
Pero maging ang presyo ng karneng baboy, bangus, at ilang gulay ay nagtaasan na rin sa ilang mga palengke sa Metro Manila, kabilang na diyan ang Quinta Market sa lungsod ng Manila.
Ayon pa sa mga nagtitinda, inaasahan nila na tataas pa ang presyo ng iba pang bilihin simula sa Lunes Santo dahil wala masyadong bumibiyahe lalo’t Semana Santa at karamihan kasi ay nagtitipid at lalo pang tutumal ang bentahan dahil sa Holy Week.
Sampung piso naman ang minahal ng repolyo. Mabibili ito ngayon sa halagang P70 kada kilo habang bumaba naman and pechay, kamatis at siling labuyo.
Ang kamatis at pechay ay P40 kada kilo habang ang labuyo ay nasa P120 kada kilo
Nadagdagan naman ng P5 ang presyo ng bangus. Mula P160, nasa 165 ito ngayong Martes, pero bumaba naman ang presyo ng galungong, mabibili ito ng P180 kada kilo mula P220 noong nakaraang linggo.
Ang pinakamurang bigas sa Quinta market ay ang regular milled rice na P38. Ang sumunod na dito ay ang well-milled rice nasa P42 kada kilo.
Ayon sa mga nagtitinda, maaaring tumaas pa hanggang P10 ang kada kilo ng gulay habang papalapit ang Semana Santa.
Ibayong hirap talaga ang dinaranas ng ating mga kababayan sa ngayon, kaya umaasa kami na makakagawa ng paraan ang ating pamahalaan upang masigurong maiibsan kahit paano ang kalbaryo ng sambayanan.