Simula nang magkaroon ng oil spill dulot ng paglubog ng oil tanker na M/T Princess Empress, naging matumal na ang bentahan ng isda kaya naman dumadaing na ang mga mangingisda sa mga lugar na apektado ng oil spill.
Sa ngayon kasi ay umiiral ang fishing ban sa Calapan City at mga bayan ng Naujan, Pola, Pinamalayan, Gloria, Bansud, Bongabong, Mansalay, Roxas at Bulalacao dahil sa oil spill matapos lumabas sa pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na hindi pa ligtas ang tubig sa dagat na sakop ng mga nasabing lugar.
Kahit wala namang oil spill at walang umiiral na fishing ban sa bayan ng Baco, ramdam ng mga mangingisda ang epekto nito sa kanilang kabuhayan.
Wala na ring bumibili sa mga isdang huli nila.
At para hindi masayang ang mga isda, marami sa mga taga Barangay Pulang Tubig sa Baco ang ginagawa na lamang “tuyo” ang kanilang mga isda.
Sa pagbisita ni Defense Officer In charge Senior Undersecretary Carlito Galvez, Jr., isa ang kawalan ng mga hanapbuhay ang idinaing sa kaniya ng mga mangingisda kaya naman nanawagan si Galvez sa BFAR na pag-aralan ang tukuyin ang mga lugar na hindi apektado ng oil spill para unti-unti nang mapayagan ang mga mangingisda makabalik sa kanilang hanapbuhay.
“OCD will coordinate immediately to BFAR to determine kung whether pwde nang mangisda yung ating mga fisherfolk at the same time magkaroon tayo ng tinatawag na isegment natin yung dagat na kung saan po tayo ay pwdeng mangisda,” saad ni Galvez sa briefing sa bayan ng Pola.
Sinabi naman ni Oil Spill Response Mindoro Incident Commander, Commodore Geronimo Tuvilla na nasa 16.8 kilometers na lamang ng shoreline ng Pola ang kanilang lilinisin mula sa mahigit 30 kilometers.
Sana lamang ay talagang matutukan ng pamahalaan ang paglilinis ng langis mula sa mga karagatan dahil hindi na biro ang epekto nito sa kabuhayan ng ating mga mangingisda at maging sa kalikasan.