Nagpaalala ang isang health expert nitong Lunes kaugnay sa epekto ng sobrang init na klima sa bansa at nagbabala na mag-ingat ang lahat sa posibilidad ng heatstroke ngayon pumasok na ang tag-init.
Sinabi ni health reform advocate Dr. Tony Leachon na mahalagang malaman ang maaaring idulot ng mataas na temperatura sa katawan at kung paano nagsisimula ang heat stroke na maaaring ikamatay ng mga makararanas nito.
“Kung ang katawan natin ay hindi natin kayang i-control yung ating internal temperature, at ang body temperature natin cannot reach 39 hanggang 40 degrees (Celcius). Ang ating katawan cannot cool down kasi yung sweating mechanism natin ay pumalya na o nag fail at ito ay maaaring fatal if left untreated,” saad ni Leachon.
“Ang usual pasyente na naapektuhan nito ay yung mga bata at may edad, lalo na yung mga may comorbid conditions. Yung mga may diabetes, hypertension, may mga heart failure at yung mga bata naman na infants at mga nasa elementary,” dagdag pa niya.
“But it could also happen to normal individuals lalo na kung sobra ang init ngayong mga panahon na ito.”
Ayon pa sa kanya, dapat din umanong malaman ang sintomas ng heatstroke upang maiwasan o agad na makapagbigay ng first aid sakaling may makitang makararanas nito.
“Usually ang sintomas niyan ay pagka masyado mainit yung temperatura particularly let’s say sa beach area or sa simbahan na hindi maayos ang ventilation or sa eskuwelahan or naipit ka sa kotse na walang magandang aircondition,” sabi ni Leachon.
“Usually magkakaroon ka ng cold clammy extremities, nahihilo ka, may headache ka, parang kapos ka sa paghinga. Minsan ang iba nasusuka at parang naduduwal, tapos meron kang hot flashes or red flash. Tapos unti-unti para kang nauupos, magkakaroon ka ng rapid breathing, tapos ang heart mo ay bibilis, tapos magco-collapse,” dagdag niya.
“Kung mararamdaman na agad, ipagbigay alam na sa kasamahan o umupo para hindi naman kayo ma-damage particulary iyong inyong mga ulo,” sabi pa niya.
Paalala ng doktor, maaaring maiwasan ang heatstroke labis man ang init ng panahon kung iinom ng maraming tubig at paggamit ng mga pananggalang sa araw tulad ng sumbrero at payong.
“Ang panlaban po diyan ay uminom ng marami pong tubig at magdala po kayo ng tubig. Number 2, kailangan mayroon po kayong sombrero or payong kung kayo ay maglalakad at kayo’y magtatrabaho. Kung kayo’y nagtitinda po sa mga kalye tapos ang inyo pong suot ay manipis, huwag po masyadong makapal. Siguraduhin niyo po na maganda po ang inyong pangangatawan, ang mga blood pressure ninyo at kung maaari po sana kung makakapagtrabaho kayo sa isang shaded area na maganda ang ventilation,” paalala ni Leachon.
Kung mararamdaman na labis nang umiinit ang katawan at nanghihina, tumigil na sa paggalaw o paglalakad at humiga o umupo sa ligtas na lugar.
“Puwede nating maiwasan ito basta tayo po ay ready at dala dala po iyong first aid natin. Kung naramdaman kaagad, humiga kaagad dahil baka matumba o umupo para hindi masaktan yung mga importanteng parts ng ating katawan particularly po yung ulo. Ihiga niyo po tapos luwagan ang mga damit tapos kung wala po kayong makuhang yelo, yung towel or damit basain niyo po agad at ilagay niyo po sa mga area, let’s say sa ulo po or sa kilikili o sa groin or punasan niyo po siya para ma-cool down po kaagad at itaas niyo po ang paa po niya kasi baka mababa po ang blood pressure. Paypayan niyo po iyan, usually po in 5 to 10 minutes gigising po yung pasyente kapag maganda ang ventilation,” sabi ni Leachon.