Tuwang-tuwa ang aktres na si Andrea Brillantes makaraang mapansin ang kanyang “promposal” sa mismong concert ng sikat na South Korean girl group na Blackpink para sa kanyang boyfriend na si Ricci Rivero.
Ang promposal ay isinagawa ng aktres nitong “Born Pink” concert ng award-winning K-pop girl group last March 26 sa Philippine Arena para sa kauna-unahang “Star Magical Prom” sa darating na March 30.
Ang siste kasi, nagtaas ng banner ang aktres na nakita naman ng mga miyembro ng Blackpink na sina Rosé, Jennie, Lisa at Jisoo ang hawak na “promposal” placard ni Andrea na nasa harapan ng stage.
Agad namang binasa nina Rosé at Lisa ang nakasulat sa placard na, “I just wanna ask Ricci Rivero, will you go to prom with Andrea?”
Kasunod nito, hinanap nga ng grupo sa crowd ang boyfriend ni Andrea at nang magpakita nga si Ricci, sinabihan siya ni Rosé ng “Please go to prom with that girl.”
Mistula namang naka-score si Andrea dahil ang isinagot ni Ricci ay, “Yes!” sabay halik sa noo ni Andrea.
Sabay-sabay namang in-announce ng Blackpink on stahe, “He (Ricci) said yes!”
Sigawan at palakpakan naman ang audience matapos ang matagumpay na “promposal” ng young actress.
Kanya-kanyang paandar at gimik ngayon ang mga youngstars ng ABS-CBN para sa kanilang mga “promposal” para sa first ever “Star Magic Prom” na tinaguriang “a night of love, friendship and magic.”
Inaasahang ipakikilala sa nasabing event ang mga bagong talents ng Kapamilya network. Mapapanood ito via livestream sa YouTube channel ng Star Magic.