Inihayag ng mga otoridad nitong Linggo na patay ang hepe ng San Miguel Municipal Police Station ng Bulacan na si PLt. Col. Marlon Serna matapos maka engkwentro ang mga hindi pa kilalang salarin sa nirespondehang robbery holdup nitong Sabado ng gabi
Sa inisyal na imbestigasyon, bandang 9:30 p.m. ng Marso 25, nakatanggap ng ulat ang San Miguel police station hinggil sa umano’y nakawan na nangyari sa Barangay San Juan, San Miguel, Bulacan.
Agad na tumungo sa pinangyarihan ang mga tauhan ng San Miguel MPS sa pangunguna ni Serna para i-verify at magsagawa ng follow-up investigation at hot pursuit para sa posibleng pagkakakilanlan at pag-aresto sa mga responsable.
“Pinalabas po lahat ni hepe ‘yung kanilang mga mobility assets at siya rin po ay sumama rin sa pursuit operations gamit ang kanyang sariling sasakyan. Mga bandang 10:30 ay natyempuhan at nasalubong po nila itong possible suspek dahil nakita nila ‘yung kanyang backride ay duguan… May info na sila na ‘yung suspek ay nataga nung asawa ng biktima,” saad ni Philippine National Police spokesperson PCol. Jean Fajardo.
“Nang kanilang harangin na po at nakasalubong nila itong mga suspects ay pinutukan agad sila, at tinamaan nga po ‘yung ating hepe na nagresulta sa kanyang pagkamatay,” dagdag niya.
Kaagad na isinugod sa Emmanuel Hospital si Serna pero binawian din ng buhay habang ginagamot.
“Sa ulo po yung kanyang tama samantalang ‘yung kanyang driver naman ay may tama sa paa naman,” sabi ni Fajardo.
Tumakas ang mga salarin patungo sa Barangay Akle, San Ildefonso, Bulacan.
Samantala, kinondena ni Bulacan Governor Dan Fernando ang pagkakapatay sa hepe ng San Miguel Police habang rumeresponde sa robbery holdup incident Sabado.
Para sa gobernador, maituturing na kabayanihan ang ginawa ni Serna.
“Nakikiramay po ang buong Bulacan, siya po ay taga-Cabanatuan, kami po ay nakikiramay sampu ng aking pamilya, ang buong probinsya ng bulacan sa nangyaring ito sa kanya, siya po ay maituturing actually na isang bayani ng ating kapulisan, at sa kanyang tungkuling ginampanan ay hindi po natin makakalimutan salamat, salamat sa pagresponde, salamat sa tulong, salamat salamat! Sa mabilis na aksyon na ginawa ninyo kaya lang po ay naunahan lang siya at hindi po kami papayag na hindi ito mahuli kaya sa buong pamilya ng ating hepe, maraming salamat po sa inyo at nakikiramay po kami sa inyo,” saad ni Fernando.
Nagbigay rin si Fernando ng P200,000 na pabuya sa ikadarakip ng mga salarin.