Nagsimula na noong Huwebes ang Ramadan at hindi gaya noong nakaraang taon, wala ng social distancing ngayon sa loob ng naturang mosque.
“Ang pinagkaiba po ng last year at past pa noong pandemic, at ngayon ay mas naging maluwag para sa aming Muslim ang pumunta dito sa bahay ng Allah at dito isagawa ang pagsamba sa gabi. Mas maraming tao ang magsamba sa loob ng masjid, mas malaking gantimpala ang ibibigay ng panginoong Allah,” ayon kay Blue Mosque Grand Imam Mohammad Elias Alawi.
Ang pag-aayuno ay kailangan gawin ng bawat tagasunod ng Islam na inoobserbahan ng milyun-milyong Muslim sa buong mundo.
Sa pinakamalaking mosque sa Metro Manila na Golden Mosque sa Quiapo, tinatayang nasa higit 500 ang dumalo sa Fajr.
Madaling araw pa lang, gising na ang karamihan, nagluluto at kumain para ihanda ang pangangatawan.
Inalala rin ang ilan sa mga kapatid na Muslim na namatay dahil sa COVID-19.
“Yung mga kaibigan, kamag-anak dati rati, kasama dito sa masjid, sabay-sabay break ng fasting, naaalala po natin sila. Wala na tayo magagawa kasi nauna na sila. Ang magagawa na lang natin ay humingi kay Allah na patawarin sila,” ayon kay Imam Alawi.
Respeto ang panawagan ng Imam sa mga hindi Muslim para sa kanilang obligasyon.
“Dapat po talaga, bilang tao, kahit magkakaiba ng relihiyon ay nagrerespetuhan… Alam po ng non-Muslim na ‘pag sumapit ang Ramadan at nag-aayuno ang mga Muslim. So ang maganda po na masasabi natin diyan, ‘yung mga non-Muslim na mayroon silang katrabaho, kaibigan na mga Muslim na alam nila na nagfa-fasting sila, ‘wag na po nila yayaain na ‘Halika, kain ka. Halika, inom ka’, kasi tatanggi po ‘yun talaga,” dagdag ni Imam Alawi.
Nangangamba rin siyang makalimutan na ang Islam ng bagong henerasyon. Kaya’t panawagan niya sa mga magulang na isama sa ayuno ang pagtuturo sa mga anak ng Islam.
“Yung mga kabataan, dapat ay ‘yung mga magulang nila itulak niyo sila… Pilitin niyo sila na matutunan nang maayos ang Islam. Kasi mga kabataan po ngayon, dahil sa kapabayaan ng magulang, tinatamad lang. Paglaki nila, nagiging mang-mang sila sa Islam. ‘Yan nakikita naming dahilan bakit dahan-dahan nakakalimutan ng tao ang Islam,” saad ng Imam.
Samantala, nakiisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsisimula ng Ramadan.
“This season of fasting, prayer, and almsgiving is an opportune time to embody the values of discipline, reverence, and humility. The spiritual that the gate of Heaven is open during this sacred month calls upon our brothers and sisters to purify their souls against the perils of worldly pleasures as well as seek for forgiveness and peace,” ayon sa Pangulo.