Inamin ng aktor na si Paul Salas na natagalan bago mawala ang sama ng loob nito sa kanyang ex-girlfriend na kahit hindi pangalanan ay knows ng lahat na ang kanyang tinutukoy ay ang aktres na si Barbie Imperial.
Sa panayam ng King of Talk na si Boy Abunda, sinabi ni Paul na talagang may naramdaman siyang takot at trauma sa kanyang nagdaang relasyon.
Kaakibat ng kanyang pag-amin sa trauma sa past relationship ay ang trauma rin na nadulot sa kanya ng paghihiwalay ng kanyang mga magulang noong bata pa siya.
Noong pandemic lang rin daw na-realize ni Paul ang mga ito na nadala niya pala nang hindi siya aware sa kanyang pakikipag-relasyon.
“Nung time po na pumapasok si Mikee sa buhay ko, ito yung time po na masasabi kong doon ko siya ni-love dahil sa understanding niya sa akin, sa patience niya sa akin dahil sa past traumas ko po. Alam kong hindi nag-work si Dad and Mom, love ko sila both, alam kong kahit may konting bias ako noon, alam kong ngayon na both silang nagkamali doon kung anuman ang naging sitwasyon na ‘yun,” pagbabahagi ni Paul.
Kaya nga raw dumaan siya sa puntong natatakot o nato-trauma kapag iniiwanan ng kanyang girlfriend noon.
“Hindi ko po alam yun hanggang sa makilala ko ito [Mikee]. At parang siya pa yung nakakita noon sa akin,” pagpapatuloy ni Paul.
Dito ay natanong ang binata sa kanyang nakaraang relasyon na talagang naging magulo ang pagtatapos dahil sa mga kwento na nailabas sa publiko.
Pag-amin pa niya, talagang naging toxic siya noon dahil may trust issues siya at madalas tamang hinala.
“Aminado po ako sa sarili ko, sobra pa ako sa seloso. Kasi feeling ko, konting time lang na may makausap lang na ibang lalaking kaibigan yung nagiging karelasyon ko, feeling ko lolokohin na ako,” lahad ni Paul.
Inamin rin niya, kamakailan lang nang mawala ang sama ng loob at bitterness na nadarama niya sa ex-girlfriend.
“Actually, aaminin ko po, ngayon lang po nawala yung pagiging bitter ko sa kanya. Kasi noong time na yun, hindi ko matanggap Tito Boy na, ilabas yung mga ganung news about me na matagal ko nang sinasabi na hindi naman talaga totoo,” sabi ni Paul.