Nagsalita na ang aktres at dancer na si Rochell Pangilinan kaugnay sa mga matagal nang balita na siya umano ang naging dahilan kaya nag-disband ang original Sex Bomb Dancers dahil sa kanyang pag-alis.
Sa isang panayam sa King of Talk na si Boy Abunda, pinabulaanan ng aktres ang tsismis na siya ang sinisisi kaya raw nagkanya-kanya na ng landas ang mga miyembro ng Sex Bomb Dancers hanggang sa tuluyan nang mabuwag ang iconic all-female group sa entertainment industry.
Giit niya, naging maayos ang pag-alis niya sa grupo na unang sumikat sa longest-running noontime show sa bansa at fake news lamang umano ang mga tsismis na magkakaaway na naghiwa-hiwalay ang mga miyembro ng dati nilang grupong Sex Bomb Dancers.
Taong 2007 nang magpaalam si Rochelle sa grupo pero pinauna raw muna niya ang ilan sa mga miyembro ng SexBomb bago siya tuluyang umalis para magsolo. Maayos din daw siyang nagpaalam sa dati nilang manager na si Joy Cancio.
“Ang ginawa ko sa SexBomb noon, sabi ko, ‘O, mauna na kayo. Kung gusto niyo nang umalis, sige, mauna na kayo kasi gusto ko munang i-settle si Ate Joy, ‘wag muna siyang iwan.’ So, ‘yung iba nagdya-Japan, rumaraket sa ganito. So after one year, doon na ako nagpaalam kay Ate Joy. Maayos ‘yung pagpapaalam ko sa kaniya. Sabi ko, ‘Ate Joy, tingin ko kailangan ko na ring makita ang labas ng SexBomb,’ kung anong mayroon sa labas, na darating ako sa show ‘yung wala akong kagrupo,” paliwanag ni Rochelle.
Inamin niyang nag-struggle rin siya noong magsimula siya sa kanyang solo career ngunit salamat daw sa Diyos dahil napagtagumpayan niya ang lahat ng pinagdaanan niyang pagsubok.
“Mahirap din siya sa start, sa simula, na ako lang, pero nakasanayan ko rin po siya,” pahayag ng aktres.
Sa ngayon, isa si Rochelle sa itinuturing na magagaling na aktres sa GMA matapos lumabas sa iba’t ibang teleserye at pelikula. Napapanood siya gabi-gabi sa GMA Telebabad series na “Mga Lihim ni Urduja.”