Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Miyerkules na naghain na ito ng patong-patong na kaso laban sa isang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) at ilan pang indibidwal na umano’y nasa likod ng pagpapalusot sa mga Pilipinong na-recruit para maging scammer sa Cambodia.
Sinabi ng NBI na naihain na nila ang kaso sa Department of Justice-National Prosecution Service nitong Miyerkoles at dagdag nito, ang pagkaso ay resulta ng imbestigayon ng kanilang mga tauhan sa Pampanga District Office laban kina Rachel Almendra Luna alyas Kate, Princess Batac Guerrero, John Paul Angelico Tan Sanchez, at Immigration Officer 1 Alma Grace Ambrocio David.
Nahaharap ang mga indibidwal ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, kasama na ang Illegal Recruitment in Large Scale at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa imbestigasyon ng NBI, nangyari umano ang krimen noong January 15, 2023 sa Clark International Airport sa Pampanga kung saan anim ang biktima ng sinasabing human trafficking na bibiyahe sana patungong Phom Penh, Cambodia.
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration-Travel Control and Enforcement Unit (BI-TCEU) ang mga biktimang sina Criselle Joy Alban, Jamela Tabilid Binosa, Jornel Gumba Gamban, John David Santos Tupas, Aji Nicole Batlag Sugabo, at Rangelyn Bucao Yanson.
Lumalabas sa naging interview ng mga tauhan ng TCEU sa mga biktima na peke ang ginamit nilang return ticket at wala ring kaukulang dokumento para sa kanilang biyahe pa-Cambodia.
Ayon sa NBI, kalaunan ay inamin ng mga biktima na magtatrabaho sana sila sa Cambodia bilang mga call center agents at na-recruit lang gamit ang isang kilalang social media platform.
Sa record ng BI, nabigyan ng clearance ang mga biktima ng isang Immigration Officer na may stamp number na 0254 na kalaunan ay natunton kay David, base sa duty schedule ng kawanihan sa airport.
Sa sinumpaang salaysay ng mga biktima na tumatayong complainant sa reklamo, sinabi nina Gamban, Tupas, Tanson at Alban na na-recruit sila ni alyas Kate sa Facebook na umano’y nakabase sa Cambodia na nangako ng buwanang sahod na mula $800 hanggang $900 bilang mga call center agents.
Pero hindi umano na-meet ng mga biktima si alyas Kate na nakabase sa Cambodiab. Isang Princess Guerrero ang nag-asikaso umano ng kanilang travel documents pati na ang plane tickets at hotel accommodations sa Singapore at siya ding nag-escort sa kanila sa Clark International Airport para sa kanilang January 15, 2023 na biyahe.
Tinuruan din umano sila ni Guerrero kung ano ang gagawin at isasagot sa Immigration counter kapag sumalang na sa interview.
Pirmado ang mga dokumento ng NBI ng isang Atty. Ryner Bergado, agent-in-charge ng NBI Pampanga District Office.