Hindi maikakailang malaki ang naging epekto sa kabuhayan ng mga mangingisda sa Oriental Mindoro ang nangyaring oil spill doon na dulot ng paglubog ng MT Princess tanker noong Pebrero sa karagatan na sakop ng bayan ng Naujan.
Pero bukod sa mga apektadong residente, maging ang kalikasan ay apektado na rin, dahil nakakakita na rin ang mga residente ng mga ibong nahihirapang lumipad at mga lamang-dagat na nawalan ng buhay.
Ang bayan ng Pola ang isa sa mga pinakaapektadong kalikasan dahil nagkalat sa dalampasigan ang industrial oil na ginagamit sa mga makinarya.
Ayon sa ilang mga residente, nakakakita sila ng ilang mga white-collared kingfisher na dark brown o itim ang kulay matapos mabalutan ng langis na talaga namang nakakaapekto sa kanilang kakayahan na magjanap ng pagkain.
Posible ring magdikit-dikit ang mga balahibo ng mga ito hanggang sa manghina, hindi na makalipad at mawalan ng buhay sa mga susunod na araw.
Isa ring red-tailed tropicbird ang natagpuang patay sa baybayin, na may tar sa kaniyang mga balahibo.
“If it is not managed properly, we are looking at years of recovery and rehabilitation. With proper management probably it will require three to five years. But without proper containment, it can last longer than that. So we are looking at decades for complete rehabilitation,” sabi ni Dr. Irene Rodriguez ng University of the Philippines Marine Science Institute.
Sa kabutihang palad, hindi lahat ng lugar ay naapektuhan ng oil spill sa bayan ng Pola. Gayunman, dismayado ang mga lokal dahil hindi sila makapangisda at makabenta.
Sinabi ng mga eksperto na aabutin ng anim na buwan hanggang isang taon ang paglilinis ng oil spill.
Sana ay matugunan ng pamahalaan ang nagpapatuloy na problemang ito, dahil siguradong maaapektuhan rin ang mga susunod na henerasyon.