Matapos pumutok ang balitang nagkakaroon umano nang “recycling” ng mga drogang nakukumpiska ng mga operatiba mula sa mga anti-illegal drug operations, isang mambabatas ang nagtutulak muli na buhayin ang parusang kamatayan sa mga sangkot sa ilegal na droga.
Ang panukala ay isinusulong ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers na chairman ng House Dangerous Drugs Panel at isa siya sa mga mambabatas na nagsusulong na ibalik na ang parusang kamatayan para umano matakot ang mga nagbabalak na gumawa ng masamang gawain.
“Mag-recommend kami na itulak talaga ‘yung death penalty dito sa mga drug offenders na ‘to,” sabi ni Barbers. “Pangalawa, ‘yung sa method ng recycling, siguro dun pa lang sa pag-iimbentaryo ng ebidensya na nakakalap eh dapat istrikto na kaagad.”
Nitong nakaraang linggo sa pagdinig ng kaniyang komite, sinabi ni Barbers na batay sa impormasyon na nakuha niya, binibigyan umano ng mga pulis at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kanilang “impormante” ng nakukumpiskang droga kapag nakakakuha ng matagumpay na “tip” o impormasyon.
“A substantial amount of illegal drugs hauled, seized and confiscated by the Philippine National Police and PDEA are being recycled for the past 20 years. This fact was revealed today by an asset/informant of the two agencies who admitted being given ‘basura’—street lingo for shabu — by anti-illegal drug operatives of the two agencies every time they make a bust based on his tips,” sabi ni Barbers.
Umaabot umano ng 30 porsiyento hanggang 70 porsiyento ng nakukumpiskang droga ang ibinibigay sa impormante o asset.
“Binibigyan ng shabu o part of the evidence for the assets to sell it to the streets. Kapag naging cash na ito, na-convert na into cash, binabalik na ito sa operatives…Doon siya magkakaroon ng porsiyento,” sabi pa ni Barbers.
Sa ganang amin, hindi rin masisisi ang ating mga mambabatas kung nais nilang maibalik ang parusang bitay sa mga mapapatunayang nagkasala at may kaugnayan sa pagpapakalat ng ilegal na droga sa bansa.
Matagal nang problema ng bansa ang droga, kaya naman hindi rin maiiwasan na magmungkahi ng bitay dahil talagang nakakasira ito ng buhay ng ating mga mamamayan, lalo na kung nagiging dahilan ito ng mga karumal-dumal na krimen.
Pero sa ngayon, dapat ay pag-aralan munang maigi kung talagang bitay nga ba ang solusyon sa problemang ito.