Isang opisyal ng Bureau of Immigration ang nagisa sa Senado nitong Lunes dahil umano sa isang kaso ng human smuggling sa NAIA noong Pebrero 13.
Sa ikalawa at huling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa isyu, humarap ang Immigration officer na si Jeff Pinpin, na nakuhanan sa cellphone video habang nasa NAIA Balabag ramp ang eroplano na sinakyan ng mga foreign nationals kahit off duty na ito.
Sa pagdinig, sinabi ni BI commissioner Atty. Norman Tansingco na relieved o inilipat na pala ng puwesto si Pinpin noong Pebrero 9 o apat na araw bago mangyari ang insidente.
Mismong si Pinpin pa anya ang nag-request na mailipat sa Intelligence division sa Region 4 dahil sa kanyang problema sa kalusugan.
“When we got the information he assumed only in February 15 and he was seen in tarmac on Feb. 13 we immediately issued to him a show cause order to explain why he was there,” saad ni Tansingco.
Nagpaliwanag naman si Pinpin.
“I was in the assumption habang hindi ako nakapag-assume doon sa bagong office sa regional intelligence office I was still then deputy chief of monitoring of port operation division,” sabi ni Pinpin.
“Noong nandoon po kasi ako, noong nag-turn over na po ako, during that time sir wala pa po akong kapalit noon, sir, I was in the assumption that I was still functioning duties and responsibilities as deputy chief for monitoring,” dagdag niya.
Kuwento pa ni Pinpin, nalaman niya sa Viber group na may problema kaya nakialam na siya.
Giit naman ng chairman ng komite na si Sen. Francis Tolentino, malinaw na may paglabag na ginawa si Pinpin.
“You are not doing any routine work that day because you were already relieved February 9,” sabi ni Tolentino.
Dahil sa nangyari, nasa floating status na muna si Pinpin habang iniimbestigahan ng BI.
Samantala, inalis na rin sa airport duty at inilipat sa ibang tanggapan ang Immigration officer na nanghingi umano ng yearbook sa isang pasahero.
Sabi ni Tansingco, itinanggi ng immigration officer na humingi siya ng yearbook.