Vindicated ang aktres na si Bela Padilla ngayong umamin na ang netizen na nagsinungaling ito sa kanyang mga naging pahayag laban sa aktres.
Kung matatandaan, sinabi ng netizen na inisnab daw siya ng dalaga at tumangging magpa-picture sa mga fans.
Nangyari raw ito sa matagumpay na concert ng international star na si Harry Styles last March 14, na dinaluhan nga ng libu-libong Pinoy fans kabilang na riyan ang mga sikat na celebrities.
Sa naganap na presscon ng bagong pelikula ni Bela under Viva Films at ng pag-aari niyang Whisky Marmalade, ang “Yung Libro Sa Napanood Ko”, nagbigay ng reaksyon si Bela tungkol sa kontrobersya.
Sabi ng dalaga, gusto na niyang tapusin ang nasabing isyu lalo pa’t personal nang nagpadala sa kanya ng mensahe ang netizen kung saan nag-sorry nga ito sa kanya nang bonggang-bongga.
Nagpasalamat din ang aktres at direktor sa lahat ng netizens na nagtanggol sa kanya at nag-post pa ng kanilang mga litrato kasama siya bilang patunay na hindi niya inisnab at binewala ang mga gustong magpa-selfie sa kanya.
“The person who tweeted me personally apologized to me and said, ‘I’m sorry I lied.’ So this proves that the person who tweeted me wasn’t even there (sa concert ni Harry Styles),” sey pa ng aktres sa mediacon ng “Yung Libro Sa Napanood Ko” kung saan kasama niya ang Korean actor na si Yoo Min-Gon at Lorna Tolentino.
Pag-alala pa ni Bela, may pinasakay pa siyang isang fan ni Harry Styles sa kanyang sasakyan patungong venue ng concert. Bukod dito, naging instant friend pa raw niya seatmate niya sa venue.
“So I was really surprised when the issue came out the next day. Nag-sorry na siya so okay na sa akin. But I just want to say, be careful what you put out in the world, kung social media man yan, actions, or what you say. I guess laganap ang clout-chasing ngayon. So kung nagpapapansin lang tayo sa isang tao or gusto nating maka-call ng attention, sana hindi tayo nag-i-spread ng rumors or lies ‘coz it’s very dangerous. I’m happy na nag-apologize na, and I’m okay with that,” pahayag pa ni Bela.