Hindi maikakailang talagang naapektuhan ng husto ang kabuhayan ng mga mangingisda sa Oriental Mindoro matapos ang nangyaring oil spill mula sa MT Princess Empress kaya naman hindi rin sila masisisi na magpilit na mangisda pa rin sa kabila nang nangyari.
Umaapela ngayon ang mga mangingisda sa Oriental Mindoro na payagan silang makapalaot at ayon sa ilang mga mangingisda doon, talagang malaking dagok sa kanilang hanapbuhay ang oil spill.
“Mahirap sa aming mangingisda ang walang hanapbuhay dahil dagat napagkitaan namin. Kung pwede nga sana ay makalabas na kami sa dagat, malaki din gastos namin sa pamilya,” saad ng isang mangingisda.
“Mas malaki ang nawala sa amin dahil kami ay magdadagat yun lang inaashaan namin, wala pang pang ulan nagpapasalamat na rin at nakatanggap ng biyaya,” dagdag pa niya.
Sa ngayon, nagsisiksikan ang mga nais na mga makakakuha ng relief goods sa Pola, Oriental Mindoro.
Ito na ang ikalawang wave ng pamamahagi ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development para sa nasa higit 20,000 pamilya na apektado ng oil spill mula sa siyam na bayan.
Pinag-aaralan na rin ng Oriental Mindoro local government ang muling pangingisda.
Pero hinihintay na lamang nila ang resulta ng pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa toxicity level ng isda.
“Ang goal natin yung mga areas na ppwde nang payagan sana, ibig sabihin yung safe na ang mangisda lalo na yung malayo na yung oil sa shoreline baka dahandahan natin i-openfor fishing,” saad ni Oriental Mindoro Governor Bonz Dolor.
Sana lamang ay matugunan ng pamahalaan ang panawagan ng mga mangingisda sa probinsya dahil talagang hirap na sila kung paano pa makakapagpatuloy sa buhay dahil sa naapektuhan na ang kanilang kabuhayan.