Kahit pa mayroong banta ng oil spill sa karagatan ng Calapan City sa Oriental Mindor, natuloy pa rin ang pagdaraos ng karera ng mga bangka sa lugar at nasa 40 bangka mula sa iba-ibang probinsiya ang lumahok sa karera, na bahagi ng pagdiriwang ng Kalap Festival kasabay ng ika-25 anibersaryo ng lungsod.
Ayon kay Calapan Mayor Malou Morillo, kontrolado naman ang oil spill na tumama sa ilang barangay.
“Kahit tayo ay nagkaroon ng oil spill. Hindi na namin ito puwede itigil pa kasi ito ay inaasahan ng mga tao. The show must go on kasi naka-roll out na lahat,” sabi ng alkalde.
Bagaman kontrolado, patuloy na naghahanda ang lokal na pamahalaan sakaling mas maraming langis pa ang dumating sa katubigan ng lungsod, ani Morillo.
Sa kabila naman ng pagtiyak ng lokal na pamahalaan na ligtas pang mangisda, halos wala nang bumibili ng isda sa Calapan City Public Market dahil sa takot sa oil spill.
Ayon kay Morillo, nakipag-usap din siya sa mga fish vendor at sinabing kung walang bibili sa mga ito, puwedeng dalhin ng mga isda sa Calapan City Hall at “kami na ang tutulong para maibenta ang huli nila.”
Nakatakda namang dumating sa umaga ng Lunes sa Oriental Mindoro ang remotely-operated vehicle, na siyang magsasagawa ng pagkumpirma sa eksaktong lokasyon ng MT Princess Empress.
Ang MT Princess Empress ang barkong lumubog at sanhi ng oil spill, na tinatayang nasa 400 metro ang lalim sa dagat.
Kapag nakita ng ROV ang barko, magsasagawa agad ito ng visual survey sa barko para makita kung may leak ang tangke, na may lulang 800,000 litro ng industrial fuel.