Aminado ang aktres na si Andrea Torres na talagang tumatak na sa kanya at magiging bahagi na ng kanyang buhay ang pagganap niya bilang Sisa sa hit historical portal fantasy series ng GMA 7 na “Maria Clara at Ibarra“.
Ayon kay Andrea, hinding-hindi niya makakalimutan ang mga naranasan niya habang ginagawa ang serye kung saan nakasama nga niya sina Barbie Forteza, David Licauco, Dennis Trillo at Julie Anne San Jose.
Sabi ng dalaga maraming nabago sa buhay at career niya mula nang gampanan niya karakter na Sisa at dagdag niya, mas lumalim at lumawak pa ang kaalaman niya sa iba’t ibang atake ng pag-arte.
“Ang daming surprises, good surprises. Talagang I think hindi mawawala sa akin si Sisa, always siyang with me,” saad ng dalaga.
Dahil sa napakagaling na performance ni Andrea sa “Maria Clara at Ibarra” ay nagwagi siya ng Best Actress in a Supporting Role sa Platinum Stallion National Media Awards.
“Wala naman ‘yun sa isip ko nu’ng ginagawa ko ‘yung Sisa. Parang I just really wanted to give justice to the role. Sabi ko, “Naku, ayoko lang talaga na hindi nila magustuhan ‘yung Sisa na mapapanood nila.’ Napakalaking bonus nito for me e, ang sarap ng pakiramdam,” sabi ni Andrea.
“Sobrang research, homework talaga. Bukod sa pagbasa-basa online, nagpa-workshop ako, hindi ako tumigil magpa-workshop. Talaga pong tinutukan ko siya and worth it naman,” dagdag niya.
Sa isang panayam, nabanggit din ni Andrea kung saan siya humugot ng emosyon para mabigyan ng hustisya ang kanyang role, “Yung pagkakakilala ko po kay Sisa based sa research po na ginawa ko at lahat ng pinagdaanan niya.
“Napakabigat po kasi talaga. Kumbaga habang binabasa ko, gustung-gusto ko siyang yakapin, kung puwede lang. Hindi ko po mapigilan, na-attach talaga ako. At the same time, very close kasi ako sa parents ko. So iba rin po talaga ang dating sa akin ng parents,” sabi ng dalaga.
Ito na raw yata ang pinakamabigat na role na ginampanan niya.
“I think so po. Dito ko naranasan na after ng taping, bagsak talaga ako the next day. Masakit ang mata ko, mina-migraine ako, pero masayang-masaya ang puso ko. Natatapos ang araw na lagi akong may malaking ngiti. Very fulfilling po. Kasi honestly maraming eksena rito na grabe ang kabang nararamdaman ko,” saad ni Andrea.