Sa kabila nang mga kumakalat na balitang pinasok na ng African Swine Fever (ASF) ang Carcar City sa Cebu province, marami nang hakbang ang ginawa ng lokal na pamahalaan nito upang masugpo ang peste sa mga baboy.
Nitong nakaraan lamang, nagkaisa ang mga residente at lokal na opisyal ng Carcar na pagsaluhan ang ang sari-saring mga putaheng baboy, kasama ang lechon, upang ipakita ng pamahalaang lungsod na ligtas na ang kanilang syudad sa ASF.
Sa nasabing salu-salo, ipinakita ng alkade ng Carcar City na kontrolado na ang ASF sa kanilang lugar at talaga namang nagmistulang isang pagdiriwang sa pista ang kainan na idinaos sa pamihihang bayan ng Carcar City na pinagsaluhan ng mga residente at ilang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Tampok ang lechong baboy sa mga iba’t ibang putahe na inihain sa pananghalian na pinangunahan ng mga meat vendor at lechonero ng siyudad.
“Ipapakita natin sa buong mundo at sa buong Pilipinas na kahit tinamaan tayo ng ASF, nakontrol na natin ito, sa tulong rin ni Governor Gwen [Garcia], ” pahayag ni Mayor Patrick Barcenas.
Apektado umano ang mga magkakarne at magle-lechon nang tumama ang ASF sa kanilang lugar.
Sa ngayon, ayon kay Dr. Mary Ann Gabona, Carcar City Veterinarian, kontrolado na ang ASF sa Carcar.
Hindi naman dapat pangambahan ang pagkahawa ng ASF sa mga tao dahil ayon sa mga pag-aaral ay hindi naman ito nakakahawa sa tao.
Ang kailangang pag-ingatan ay ang pagkalat nito sa mga baboy na maaaring magdulot ng kakulangan ng supply ng baboy at makaapekto sa mga magbababoy sa naturang probinsya.