Inihayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong Biyernes na posible umanong tumaas ang presyo ng isda sa mga merkado dahil sa nagpapatuloy na problema sa oil spill sa Oriental Mindoro.
Ayon kay BFAR spokesperson Nazario Briguera, kung maging limitado ang supply ng mga isda sa bahagi ng Oriental Mindoro ay posibleng sumipa ang presyo, pero hindi pa umano nakikita o nararamdahan ang kakulangan sa supply sa isda sa bahagi ng Mindoro.
Dagdag pa niya, tatlong porsiyento ng food production sa Mimaropa ay nanggagaling sa Oriental Mindoro. Isa rin ang Batangas sa mga nag-aangkat ng isda mula sa naturang probinsya.
Karaniwan sa mga nahuhuling isda sa ilang munisipalidad sa Oriental Mindoro ay mga isdang bato kagaya ng lapu-lapu.
Ikinababahala ng BFAR ang long-term effect ng oil spill dahil sa mga tinamaang reef at mangroves na nagsisilbing breeding ground ng mga isda.
Sabi pa ni Briguera, peak season pa naman ngayon para mangisda.
May nakataas na fishing ban na sa siyam na munisipalidad sa Oriental Mindoro at hindi pa ibinababa dahil nag-extend na ang BFAR ng technical assistance sa pag-check ng water quality.
Dagdag pa niya, ang ilang mga commercial fishing vessels ay tuluy-tuloy ang kanilang paglalayag dahil sa malalayong lugar sila nangingisda at wala pa namang nakikitang senyales ng fish kill dahil sa oil spill.
Samantala, sinabi ni Briguera na nananatiling sapat ang suplay ng isda sa mga palengke at pamilihan sa bansa sa kabila ng malawakang oil spill sa Oriental Mindoro at marami pa umanong alternatibong pinagkukuhanan ng lokal na suplay ng isda kaya normal pa ang presyuhan nito sa palengke.
“Sa ngayon di pa nakikita yung shortage sa national scale but we need to recognize na just because of the oil spill posibleng magkaroon ng limitadong supply sa immediate area ng oil spill,” sabi ni Briguera.
Pero mas ikinababahala nila ngayon ang mga posibleng epekto nito sa marine wildlife.
“Ang ipinag-aalala kasi natin nito yung long term effects kasi ang tinamaan nito ay marine habitat like mangroves, mga coral reef so fatal sya sa fish larvae at itlog ng isda yung kontaminasyon mula sa oil spill,” dagdag pa niya.