Isang magandang balita ng bumungad sa ating mga kababayan nitong nakaraan makaraang mapabalita na babalik na sa P9 ang bayad sa pamasahe sa mga tradisyunal na jeepney pagdating ng Abril matapos aprubahan ng gobyerno ang fare discount sa mga public utility vehicles sa Metro Manila.
Ayon sa mga otoridad, nasa tatlong piso ang ibabawas nito sa kasalukuyang minimum fare na P12 pesos habang P11 naman ang magiging bayad sa modernized jeepney. Maging ang pamasahe sa bus, mababawasan rin ng P3 hanggang P4.
Samantala, pinag-aaralan pa ang magiging fare discount sa mga UV Express.
Sinabi naman ni Pasang Masda president Obet Martin na ang diskwento sa pamasahe ay maaaring bunga ng kanilang diskusyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation.
“Noong araw yung bus carousel, inabot yan hanggang December 31 of 2022. Yung service contracting ng (public utility jeep), traditional at modern jeep inabot lang po kami ng July,” saad ni Martin.
“Kaya yung mga previous meeting po namin kay Secretary, kay Chairman (Teofilo) Guadiz ng LTFRB, ng DoTR, sabi namin bakit ganoon puro mayayaman lang ang sine-serve? Puro Makati. Samantalang itong mahihirap nating mananakay sa traditional jeep,modern jeep, nagtatrabaho sa mga maliliit na construction, nagtatrabaho sa mga barber, dapat mabigyan ng din po namin,” dagdag niya.
Paglilinaw ni Martin, may hangganan ang diskwentong ibinigay ng pamahalaan.
“Ito, po ay pansamantala lamang, kasi may pinaglalaanan po ng budget, kasi ang gagawin po dyan ng ating pamahalaan sa aking kaalaman, ang mga traditional jeepneys na nag-consolidate at mga modern jeepneys na nag-consolidate, coops and korporasyon, sila po ang subject dito,” sabi ni Martin. “Ito po ay merong terms of limits, hindi naman po ito panghabang panahon. Kundi yung pondo, pag naubos, ibabalik na rin po natin doon sa dating bayarin o pamasahe.”
Siguradong matutuwa ang ating mga komyuter sa pagbabawas ng pamasahe, dahil kahit paano ay madadagdagan ang kanilang mga budget para sa iba pang gastusin lalo ngayong patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.