Inihayag ni Metro Manila Council president at San Juan City Mayor Francis Zamora na target na nilang ipatupad ang single ticketing system sa katapusan ng Abril at pinaghahandaan na nila ang full implementation ng single ticketing system at magkakaroon ng dry run nito sa una o ikalawang linggo ng Abril.
Naniniwala si Zamora na ang pagpapatupad ng single ticketing system ay kapaki-pakinabang sa mga motorista dahil maaari na silang magbayad sa pamamagitan ng online channels para sa mga paglabag.
Sa ganitong paraan maiiwasan din anya ang extortion.
“By end of April we are looking at full implementation. Ano ba yung mga factors na mahalaga dyan? One is yung procurement ng equipment. Ang kailangan dyan yung integration nung computer system ng 17 local government units must be integrated. ‘Yung LTO kasi sila ang merong data doon sa mga sasakyan, reshistro, violation,” sabi ni Zamora.
Sa tantiya ng opisyal, may walong LGU na ang handa na sa dry run.
Dagdag niya, sakaling i-lift ng Supreme Court ang TRO sa No-Contact Apprehension Policy (NCAP) at bigyan ng go signal ang pagpapatupad nito, dapat anyang iadjust ang multa sa NCAP na napapaloob sa single ticketing system para maiwasan ang kalituhan.
Samantala, tutol si Zamora na i-abolish ang MMDA dahil malaki anya ang tulong nito at nakikita nito ang kabuuang problema ng Metro Manila.
Wala rin anya syang narinig mula sa kanyang mga kasamahang mayor na pabor na i-abolish ang naturang ahensiya.
“Kami sa LGU sa San Juan hindi naman kakayanin on our own lahat ng ginagawa ng MMDA when it comes to traffic management, flood control, yung mga pumping stations namin. Tama lang that there is one governing body overseeing yung kabuuan ng Maynila,” sabi ni Zamora.
Dagdag niya, kung may hindi anya pagkakaunawaan halimbawa sa clearing operations pag usapan na lang at magkaroon ng tamang koordinasyon.
Sa pagkaka-appoint naman sa kanya bilang chairman ng Regional Peace and Order Council for Metro Manila, iginiit ni Zamora na wala siyang babaguhin sa mga polisiya at binigyang diin nya ang kahalagahan ng police visibility at koordinasyon sa mga pulis.