Nanawagan ng tulong nitong Martes ang ilang magsasaka ng tubo sa Batangas sa gobyerno matapos magsara ang Central Azucarera Don Pedro na isa sa mga pinakamalaking sugar factory sa bansa.
Ayon sa isa sa mga direktor ng Saprocom Multi-Purpose Cooperative na si Pablito Paciona, posibleng hindi na mapakinabangan at masira na lang ang mga inaning tubo dahil wala na silang mapagpagilingan nito.
Nasa halos 600 aniya ang miyembro ng kanilang kooperatiba at lahat sila ay apektado.
Problema pa umano ang inutang nilang P40 milyon sa Land Bank na ang pambayad sana ay ang kikitain sa inaning tubo.
“Kami po, sa isang milling po ay umiilo kami ng 30,000 tons. As of now po, kami ay naka-7,000 tons pa lang po kaya kami po ay may remaining pa po ng 23,000,” saad ni Paciona. “Then sa natitira pong 2 months na mag-ilo, kami po ay makaka-15,000 tons, ay ang matitira po namin…ang hindi po namin maailo ay 15,000 tons pa rin po.”
Sa ating Pangulo, kay Bongbong Marcos, na kami po ay tulungan kung papaano po ang gagawin nilang tulong sa amin,” dagdag niya.
Samantala, tiniyak naman ni Batangas Governor Hermilando Mandanas na tutulungan ang mga naapektuhang magtutubo at ayon sa kanya ay magpupulong na sila kaugnay ng ipinasarang gilingan ng tubo, at nakikipag-usap na rin sila sa ilang gilingan sa Tarlac.
“Inayos namin yung saan dadaan, yung subsidy para sa mga truck na maghahakot. Magda-dry run na kami. Yung taga-Tarlac handa namang tumulong,” sabi ng gobernador.