Nanumpa nitong Lunes si San Juan City Mayor Francis Zamora bilang bagong chairperson ng Regional Peace and Order Council (RPOC) ng National Capital Region.
Nag-oath taking ang alkalde sa harap ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
Layon ng RPOC na palakasin ang peace and order sa mga munisipalidad sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan, awtoridad at iba pang sangay ng pamahalaan.
Sa pulong nitong Lunes na dinaluhan ng mga alkalde ng Maynila at mga opisyal ng Philippine National Police, muling idiniin ni Abalos ang papel ng pulis at mga alkalde sa peace and order.
May operational supervision aniya ang mga municipal at city mayor sa PNP.
“Ano ibig sabihin ng operational control at supervision? They have the power to direct day to day ang police. Investigation ng crime. Crime prevention. It shall include deployment through station commander,” saad ni Abalos.
May kapangyarihan din umanong mamili ng kanilang police ang LGU. Maganda aniya na may koordinasyon ang mga ito laban sa war on drugs lalo na sa “after care” projects o rehabilitasyon.
Ayon kay Abalos, 30 porsyento ng mga nakakulong na bumabalik kalaunan sa kulungan, habang 70 porsyento sa mga nakakulong ngayon ay drug related.
Importante rin aniya na may CCTV ang bawat LGU para sa peace and order.
Nagpasalamat naman si Zamora sa pagtalaga sa kanya bilang chairman ng RPOC NCR.
”Nagpapasalamat ako sa pangulo sa tiwala at suporta bilang chairman ng RPOC NCR. Nagpapasalamat din ko sa SILG kasi siya ang nag-endorse sa akin. Masuwerte po ang Metro Manila dahil naiintindhan niya na dahil siya ay nanggaling din bilang mayor. Ang San Juan nabigyan ng pagkilala ng PDEA na 100% ng barangay ay drug-cleared. And most peaceful city rin. Ang best practices na ito ay sana maipatupad sa buong Metro Manila,” sabi ni Zamora.