Nagbigay ng payo si House Speaker Martin Romualdez kay Negros Oriental Third District Representative Arnie Teves na mas makabubuting bumalik na siya sa bansa upang malinis ang kanyang pangalan sa mga alegasyon laban sa kanya.
Kung matatandaan, iniuugnay ang mambabatas sa pagkakapaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 4 sa kanyang bahay. Kasama ring nasawi ng gobernador ang nasa walong iba pa habang nasa 17 naman ang nasugatan.
Ilan sa nadakip na suspek ang nagsabi na isang “Cong Teves” umano ang nag-utos na patayin si Degamo.
Ayon kay Romualdez, napaso na umano ang travel authority na ipinalabas ng Speaker’s office, na nagpapahintulot sa mambabatas na lumabas ng bansa.
“l advise Representative Arnie Teves to come back to the country as soon as possible. His authority to travel to the United States is covered only by the period February 28 to March 9, 2023. Clearly, the travel authority of Representative Teves has expired,” saad ni Romualdez,
“His travel outside the country beyond the period mentioned is no longer authorized by the House of Representatives. Makabubuti rin na umuwi si Cong. Arnie para harapin ang pagkakadawit ng pangalan ng kanilang pamilya sa pagkamatay ni Governor Roel Degamo.We all want to hear his side of the story,” dagdag niya.
Nauna nang iniulat na for medical reason ang pagpunta ni Teves sa Amerika.
Nitong Biyernes, sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco, na hiniling umano ni Teves sa pamamagitan ng chief of staff nito na palawigin ang travel authority ng kongresista.
Pero hindi pa raw matugunan ang naturang kahilingan ni Teves dahil sa kakulangan ng mga impormasyon.
“Nakalagay lang sa request ng chief of staff, pinapa-extend yung trip, personal trip ni (Rep. Teves) up to April 9. Tapos nakalagay roon, Europe at saka Asia, Southeast Asia if i’m not mistaken. We cannot act on it ‘pag walang specific countries,” paliwanag ni Velasco.
Tiniyak naman ni Atty. Ferdinand Topacio sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Biyernes, na hindi magtatago at haharapin umano ng kliyente niyang Teves ang mga alegasyon na ibinabato sa mambabatas.
“Ang ina-assure niya po sa akin ay haharapin niya po itong mga kasong ito and titingnan lang po natin kasi masyadong mabilis naman po yung developments,” ayon kay Topacio.
Samantala, sinabi ni Romualdez na hindi pa siya sinasagot ng mambabatas.
“I have yet to receive any communication from Cong. Arnie since I appealed to him to return home. I expect Cong. Arnie to heed my appeal and report for work as soon as possible. His stay outside the country is no longer authorized by the House of Representatives,” sabi ni Romualdez.
Dagdag pa ng House Speaker, sisiguruhin nila ang kaligtasan ng mambabatas sa kanyang pagbabalik sa bansa.
“Nagsalita na ang mga opisyal ng PNP. They are willing to provide security to protect him from bodily harm. All Cong Arnie needs to do is make the appropriate request. Our law enforcers cannot extend this protection outside the Philippines,” saad ng House Speaker.