Inihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri nitong Linggo na naniniwala siyang isang “political terrorism” ang nangyaring pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at ayon sa kanya ay maari itong masakop ng anti-terrorism law dahil ang pagpatay sa sibilyan o isang tao at pagsira ng mga ari arian ay malinaw na pananakot.
Sabi pa ng Senate President, maaaring ang mensahe ng pagpatay sa gobernador ay mayroon umanong naghahari sa Negros Oriental at malinaw rin umano na terorismo ang nangyari dahil puro high-powered ang ginamit na armas.
Dagdag pa niya, mistulang planado ang pagpatay, pinondohan at gumamit pa ng rocket-propelled grenade o RPG na posible rin umanong magamit kung sakaling hindi abutan si Degamo sa bahay, at kung makatakas naman ay may nakapwesto pa na mga sniper sa labas ng bahay kaya’t mahirap sabihin umano na random act lang ito.
Kinumpirma din ni Zubiri na 2020 ay humingi na si Degamo ng tulong sa mga Senador dahil sa banta sa kanyang buhay.
Nanawagan naman si Zubiri sa Philippine National Police na magsagawa ng threat assessment sa bawat lalawigan lalo’t papalapit ang Barangay at SK elections.
Samantala, kinondena naman ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjur Abalos Jr. karumal-dumal na pagpaslang kay Degamo.
“Ibang klase ‘to, daig pang pumatay ka ng hayop dito wala kapakundangan pasok ka bigla mong pagbababarilin kung sino I mean kaya nabigla ang buong bansa,” saad ni Abalos.
Sunod sunod naman ang mga hakbang ang ginagawa ng gobyerno para maresolba ang pagpatay kay Degamo. Una nang bumuo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Task Force na sanib pwersa ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at ng mga intelligence bureau para mabigyang hustisya ang pagpatay kay Governor Degamo at iba pang mga mga biktima kung saan pinakaimportante aniya matukoy ang mastermind nito.
Pangalawa ay ang pagtugis sa mga private armies.
“We’re going out against criminal gangs. Mag-iisip kayo — napakabilis ng aksyon dito, why? Remember after the killings before sinabi natin maximum police visibility. Ano ibig sabihin? Lahat ng police ay nasa kalye ‘no, lahat nasa kalye when you call off a drag net andiyan na kagad. Pag sinabing drag net dahil nakalabas na eh and then andiyan pa yung AFP,” saad ni Abalos.
“So basta i-combine forces mo yang AFP, they know the terrain lalo na iba eh iba ang Metro Manila, iba ang probinsiya. So basta magsanib pwersa yan, talagang mahuhuli ka. Wala kang malulusutan, and this is the kind of coordination that we’re going to do to hunt not only this. Likewise kung meron mang ibang criminal gangs na ito nagusap-usap kami rito no, actually there is this task force its called disbandment against private army group. Ang head nito ulit is the DILG, kasama Department of Defense, PNP, kasama ang DSWD. Kasama nila lahat ng SAF, AFP. Lahat kasama dito so we will not probably just confine it to Mindanao but for the whole country,” dagdag niya.