Inanunsyo ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na binabantayan nito kung may volcanic activity sa Maco, Davao de Oro kasunod ng serye ng mga lindol kamakailan at kasama ang municipal at provincial disaster officials, nag-inspeksiyon noong Biyernes ang ahensya sa may Lake Leonard Kniasseff at Bilawa Hot Spring.
Kumuha umano sila ng water sample sa mga sulfuric area para magamit sa data gathering.
Ayon sa Davao de Oro Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ang datos sa pag-iba ng tubig mula sa hot crater lake ay isang paraan para matukoy kung may volcanic activity.
Makakatulong din umano ito para makapagbigay ng babala o para makampante ang publiko sa gitna ng usaping may kaugnayan ang lindol sa volcanic activity.
Pero nauna nang itinanggi ito ng Phivolcs dahil tectonic in origin ang nangyaring mga pagyanig. Sa kabila nito, mino-monitor pa rin nila ang aktibidad ng mga aktibong bulkan sa lalawigan.
Nagsagawa rin ng pagtuturo at pagbibigay impormasyon kaugnay sa lindol at bulkan ang Phivolcs sa ilang evacuees sa Davao de Oro.
Sa pinakahuling ulat ng mga opisyal noong hapon ng Sabado, nakapagtala sila ng 1,408 lindol, pero 32 lang dito ang naramdaman.
Pinakamalakas umano noong Marso 7, kung saan umabot sa magnitude 5.9 ang lakas ng pagyanig.
Higit 2,000 bahay naman ang naitalang napinsala dahil sa mga lindol sa Davao de Oro.