Inihayag ng mga otoridad na nakita na ang nawawalang Cessna plane na bumagsak sa Isabela at ayon sa mga ito ay walang nakaligtas sa lahat ng mga pasahero na sakay ng eroplano na nawala apatnapu’t apat na araw na ang nakalilipas.
Matatandaan na ang Cessna 206 plane na patungong Maconacon ay iniulat na nawawala isang oras pagkatapos umalis mula sa Cauayan Domestic Airport noong January 24, kasalukuyang taon.
Ang six-seater plane na may tail number na RPC 1174 ay lalapag sana ng alas tres ng hapon noong January 24, ngunit hindi nga ito nakarating sa destinasyon.
Ayon nga kay Isabela Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Engineer Ezikiel Chavez, natagpuan ang Cessna 206 sa slope ng bundok ng Sierra Madre bandang alas- onse ng umaga ngayong araw, na nauna ng kinumpirmang nakita ng mga dumagat na pabagsak sa parte ng bundok.
Dagdag pa niya, ang estimation umano ng retrieval operation ay tatagal ng tatlong araw, ngunit kung maganda naman ang panahon ay asahan na mas mabilis pa ang rescue operations na kanilang gagawin.
Sa ngayon, patuloy ang paghahanda na ginagawa ng Search and rescue team na ipapadala sa crash site para sa retreival operation sa mga bangkay, nagsisimula na rin umano ang ilan sa mga rescuers na papunta na sa mismong crash site para makita ang mismong aircraft at mga bangkay susubukan rin umano ng dating ng Civil Aviation Authority of the Philippines na bisitahin ang crash site sa patuloy na imbestigasyon.
Kung matatandaan, hindi umano nakatanggap distress signal mula sa nawawalang Cessna 206 noong araw na mawala ito sa Isabela.
Ayon sa CAAP, ang distress signal ay dapat na ipapadala sa mga tore ng komunikasyon sa aviation kung ang isang sasakyang panghimpapawid ay makaranas o makatagpo ng isang sakuna.