Inihayag ng Department of Health na aabot pa sa 50 million ang bilang ng mga masasayang na bakuna kontra COVID-19 sa katapusan ng Marso ayon sa Department of Health (DoH).
Ayon kay DoH officer-in-charge Ma. Rosario Vergeire, kabilang na dito ang mga bakunang nagpaso na 4.36 million doses ng Pfizer noong katapusan ng Pebrero.
Sinabi pa ni Vergeire na maaaring tumaas pa ang bilang ng masasayang na bakuna sa mga susunod na buwan sa mahigit 60 million dahil na rin sa vaccine hesitancy bagamat patuloy sa pagsisikap ang kagawaran para mapataas pa ang vaccination coverage.
Mayroong nasa 3 million doses ng Pfizer para sa mga bata ang nakatakdang magpaso ngayong Marso at sa Abril. Gayundin ang 2.16 million Sinovac doses na magpapaso sa Setyembre at Oktubre.
Ayon pa kay Vergeire, nasa 6.9 million bakuna ang kasalukuyang naka-quarantine habang inaantay pa ang approval para sa pagpapalawig ng shel life ng mga ito mula sa vaccine manufacturers at Food and Drugs Asministration (FDA).
Noong nakalipas na taon, ibinunyag ng DOH na nasa 44 million doses ng bakuna kontra COVID-19 ang nasayang dahil nagpaso na at operational wastage.
Bagama’t hindi na nagiging matinding banta ang COVID-19, kailangang matandaan ng ating mga kababayan na hindi pa rin tapos ang pandemya.
Kaya naman dapat ay kahit paano ay hindi na takot ang sambayanan na magpabakuna dahil nakikita namang epektibo ang mga bakunang ito.
Sana lamang ay mapalawig pa ng pamahalaan ang programa nito sa pagbabakuna laban sa COVID-19 upang hindi na masayangan ang ating gobyerno ng mga bakunang pinaghirapan nilang makuha.