Inihayag ng pulisya nitong Huwebes na apat na batang magkakapatid ang pinatay sa saksak ng live-in partner ng kanilang ina sa loob ng kanilang bahay sa Trece Martires sa Cavite.
Ayon sa mga paunang ulat, nagpakamatay rin umano ang suspek na kinilalang si Felimon Galisangga Escalona sa pamamagitan ng pagsaksak sa sarili at natagpuan ang kanyang katawan sa tabi ng mga labi ng mga batang sinaksak niya.
Batay sa spot report na natanggap ng Cavite Provincial Police Office, nangyari ang malagim na krimen sa Barangay Cabuco at nakatanggap umano ng tawag ang pulisya mula sa barangay kaninang tanghali kaugnay sa insidente ng pananaksak.
Nang puntahan ng mga awtoridad ang bahay, nakakandado ito kaya kinailangan pang puwersahang buksan at nadatnan umano sa loob ng kuwarto ang magkakapatid na biktima– tatlong babae at isang lalaki– na wala nang buhay.
Naisugod pa umano sa ospital ang 38-anyos na suspek pero namatay din.
Ayon sa mga awtoridad, nag-iwan ng mensahe ang suspek sa pamamagitan ng pagsulat sa pader na gamit ang dugo.
Nagtatrabaho umano sa ibang bansa ang ina ng mga bata. Selos ang tinitingnan motibo ng pulisya sa krimen.