Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na bibigyan umano ng pamahalaan ng Pilipinas ng tig-P10,000 pinansiyal na ayuda ang mga overseas Filipino worker na naghihintay na matupad ang pangako ng pamahalaan ng Saudi Arabia na babayaran ang mga sahod na hindi pa nila nakukuha nang nagsara ang mga pinasukan nilang mga kompanya noong 2015 at 2016.
Ayon kay DMW Secretary Susan Ople, ang ayuda ay isa umanong “humanitarian package” para sa mga claimants.
“It may be modest, but I hope that somehow it can help, especially to those who are sick or those who can no longer find jobs, particularly to those who have passed away and their families,” saad ni Ople.
Manggagaling umano ang pondo mula sa DMW at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“We will be signing a memorandum of agreement with Secretary Rex Gatchalian to arrange the scheduling as soon as possible. The money is already there, we just need to finalize the mechanics and guidelines, and OWWA will be releasing them,” sabi ni Ople.
Kung matatandaan, tatlong buwan na ang nakararaan nang ipangako ni Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sasaluhin ng Saudi Arabia ang pagbabayad sa unpaid wages ng mahigit 10,000 OFWs matapos na magsara ang mga pinagtrabahuhan nilang mga kompanya dahil sa krisis sa ekonomiya.
Tinatayang 2 billion riyals ang magagastos ng KSA para mabayaran ang mga OFW na karamihan ay nagtrabaho noon sa tatlong major Saudi oil companies na Saudi Oger, MMG, at Bin Laden Group.
Ayon pa kay Ople, handa ang Saudi Labor Secretary na resolbahin ang mga usapin para mabayaran na ang mga OFW.
“There’s no question, it’s just really a matter of them figuring out how to go about it, kasi huwag po natin kalimutan ang na-bankrupt hindi yung Saudi government, ang na-bankrupt ‘yung 2015-2016 mga private construction companies and hindi lang tayo ang nationality,” paliwanag ni Ople.
Nakatakda umanong magtungo sa Marso 19 sa KSA si DMW Undersecretary Bernard Olalia para ipagpatuloy ang pag-uusap tungkol sa back pay ng mga OFW.