Aminado ang aktres na si Barbie Forteza na willing siyang “pumila” para sa Kapamilya leading man na si Joshua Garcia kaya naman nadagdagan na ang listahan ng mga female celebrities na nagnanais makasama at makatrabaho ang aktor.
Ayon sa girlfriend ng hunk actor na si Jak Roberto, kung mabibigyan ng chance, gusto niyang maka-collab ang magaling na aktor na isa na ring TikTok superstar ngayon.
Mukhang ready namang maghintay si Barbie sa tamang panahon para makasama niya si Joshua sa isang proyekto.
Sa bagong YouTube vlog ng broadcast journalist na si Karen Davila, natanong nga ang dalaga kung sino ang gusto niyang makatambal sa mga Kapamilya stars at nabanggit nga niya ang pangalan ni Joshua.
Kuwento ni Barbie, talagang pinanood pa raw niya ang isa sa mga pelikula ng binata sa sinehan.
“Napanood ko po siya sa ‘Vince, Kath, and James.’ Pinanood ko po ‘yun sa sinehan,” sabi ni Barbie.
Ang ilan pa sa mga celebrities na nais makatrabaho ng aktres in the future ay sina Jericho Rosales, Joel Torre at Nonie Buencamino.
Hindi naman imposibleng mangyari ang nais ni Barbie dahil pwedeng-pwede nang magsama ngayon ang mga artista ng ABS-CBN at GMA 7 dahil hindi na nga uso ngayon ang network war.
Sa katunayan, nagsu-shooting na ngayon si Joshua para sa unang collab ng Kapamilya at Kapuso network, ang “Unbreak My Heart” kasama sina Jodi Sta. Maria, Gabbi Garcia at Richard Yap.