Aminado ang aktres na si Rufa Mae Quinto na talagang hirap siyang makipagsabayan sa inglisan makalipas ang ilang buwang pananatili sa Amerika.
Nasa Pilipinas ngayon si Rufa Mae para sa ilang projects at naiwan sa US ang asawa niyang si Trevor Magallanes kasama ang anak nilang si Athena.
Umuuwi siya sa bansa kapag nakakatanggap ng magandang proyekto sa showbiz. Last time na bumalik siya sa bansa ay bago magtapos ang 2022 kung saan kasama pa niya ang anak.
Sa isang panayam, sinabi ni Rufa Mae na maayos naman ang kanyang buhay sa Amerika bagama’t sobrang lamig daw ngayon doon dahil winter na.
“Masaya kasi mas normal ang life ko dun pero siyempre miss ko dito dahil marami akong kausap, kakuwentuhan. Maraming nakakaintindi sa akin dito dahil Tagalog nga, di ba?” sabi ni Rufa Mae.
Aniya, kapag daw may nagtatanong sa kanya sa Amerika kung artista siya sa Pilipinas, sinasabihan na lamang niya ang mga ito na nag-Google na lang.
Bukod daw sa dumudugo na ang ilong niya sa Inglisan ay lumalabas din daw ang mga puting buhok niya dahil sa matinding nerbiyos.
Napilitang manirahan si Rufa Mae sa Amerika kasama ang kanyang asawa at anak nang abutan siya roon ng COVID-19 pandemic.