Inihayag ng Special Investigation Task Force Group nitong Martes na malapit na umanong maresolba ang kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo dahil nakakuha umano sila ng mahahalagang impormasyon mula sa apat na kataong naunang nadakip nitong nakaraan.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Gerard Ace Pelare, tagapagsalita ng Special Investigation Task Force Group, may nakuha umano silang “substantial information” na makakapagresolba umano ng kaso.
Dagdag pa ni Pelare, malinaw na planado ang pamamaril kay Degamo, dahil pinag-aralan ng mga suspek ang schedule ng gobernador at itinapat nila ang pamamaril sa araw na tumatanggap siya ng mga bisita sa kaniyang bahay.
Sinabi naman ng Department of Justice na dalawa sa mga suspek ang posibleng ipasok sa Witness Protection Program habang mahigpit ang pagbabantay ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa buong Negros Island para mahuli ang iba pang salarin.
Nauna nang inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of the Interior and Local Government at kapulisan, na tukuyin ang mga lugar na “hotspot” at naniniwala rin ang Pangulo na politika ang ugat sa pagpatay sa gobernador at walong iba pa.
Iginiit din ni Marcos na dapat mabuwag ang private armies, at kumpiskahin ang illegal firearms para matigil ang patayan.
Ayon naman kay Pelara, nananatili pa sa Negros island region ang mga natitira pang suspek sa pagpaslang kay Degamo at bukod sa tatlong inaresto at isang napatay, tinutugis pa rin ng pinagsanib na pwersa ng pulis at militar ang “more or less” limang iba pang suspek.
“Lahat ng entry and exit points dito sa [all the exit and entry points here in] Negros are being guarded because we believe that as of now they (suspects) are still in Negros island. They were not able to get out,” saad ni Pelare.
Sinabi ni Pelare na naaresto ang tatlong suspek limang oras matapos ang insidente noong Sabado ng umaga.
Patay sina Degamo at limang iba pa habang namimigay ng tulong sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa kaniyang bahay sa Pamplona. Noong Linggo, sinabi ng mga awtoridad na umakyat na sa siyam ang mga nasawi.