Matapos magkaroon ng oil spill sa karagatan ng Oriental Mindoro nitong nakaraan, inihayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bagsak sa water standard quality ang tubig-dagat sa Oriental Mindoro.
Dahil dito, pinagbabawal na ang pagligo rito ng mga residente.
Sinabi ni DENR Mimaropa regional director Lormelyn Claudio, mataas na umano sa allowable limit ang percentage ng langis na nakita sa dagat na apektado ng oil spill, base sa 5 araw na pagsusuri sa mga nakuhang water sample.
Kaya naman mapanganib na umano sa kalusugan kung mae-expose sa kontaminadong tubig-dagat.
Ayon naman kay Department of Health-Mimaropa regional director Mario Baquilod, posibleng magkaroon ng asthma at sakit sa balat ang mga taong malalantad sa kontaminadong tubig.
Pero ang pangmatagalang epekto umano nito ay maaaring maging sanhi ng cancer ang exposure sa kontaminadong tubig.
Dahil dito, iginiit ni Baquilod ang halaga ng pagsasagawa ng clean-up sa tubig-dagat at ipinagbawal ang pagligo sa kontaminadong katubigan.
Sinusuri na rin umano ang ground water na pinagkukuhanan ng inuming tubig at air quality sa lugar, at sisilipin din kung kontaminado ang isda.
Samantala, ngayong natuklasan na ang posibleng kinaroroonan ng lumubog na MT Princess Empress na sanhi ng oil spill, nanawagan si Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor sa mga awtoridad na pabilisin ang pag-isyu ng permit sa barkong may dala ng remotely operated vehicle (ROV), na manggagaling pang China.
Gagamitin ang ROV para marating ang kinaroroonan ng barko na nasa 400 metro ang lalim.
Ayon naman kay Dr. Cielo Ante ng Oriental Mindoro Provincial Health Office, umabot na sa 18 ang naitalang oil spill-related illnesses sa lalawigan.
Nagrarasyon na ng tubig ang provincial government matapos ipagbawal ang pagkuha ng inuming tubig mula sa mga poso at balon.
Panawagan lamang sa pamahalaan, sana ay pagtuunan ng pansin ang problemang ito dahil talagang kawawa na ang mga residenteng naapektuhan nitong oil spill na ito.