Umarangkada na nitong Lunes ang malawakang transport strike bilang pagtutol sa PUV modernization program ng pamahalaan at ilang mga miyembro ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) and nagtipon sa Monumento Circle sa Caloocan City.
Ayon kay PISTON national president Mody Floranda, isinasagawa nila ang strike upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kabuhayan.
“Ito ay para sa karapatan at kabuhayan ng ating mga kababayan,” sabi ni Floranda.
Sa Maynila naman, pangunahan ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang pag-deploy sa 33 sasakyan na magbibigay ng libreng serbisyo para sa mga maaapektuhan ng isang linggong tigil pasada ng mga jeepney driver laban sa PUV modernization.
Simula nitong Lunes, mula alas singko hanggang alas diyes ng umaga at alas kwatro hanggang alas diyes ng hapon, sampung bus, 17 pick up, tatlong truck, tatlong transporter at isang command unit ang dadaan sa mga sumusunod na ruta — Vito Cruz Taft Avenue to Quezon Blvd, España Blvd to Welcome Rotonda, Abad Santos Avenue to R. Papa Rizal Avenue , UN Taft Ave to R. Papa Rizal Avenue, Recto Avenue to SM Sta. Mesa, UN Taft Avenue to P. Ocampo St. , Monumento Rizal Ave to Divisoria, Buendia Taft Avenue to Divisoria, Buendia Taft Avenue to Monumento Rizal Ave. at Buendia Taft Avenue to Welcome Rotonda.
Bukod pa dito mayroon ring mga e-trike na dadaan sa mga secondary roads at pwede ding sakyan ng libre.
Ssa Maynila, tatlong transportation group ang kasali sa strike. Dahil dito, apektado ng tigil pasada ang Taft Avenue, Recto Avenue, Rizal Avenue, España Boulevard at Jose Abad Santos Avenue.
Nag anunsyo din ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng asynchronous classes sa lahat ng pampublikong paaralan sa lahat ng lebel sa lungsod ng Maynila mula ngayong Lunes, March 6 hanggang Sabado March 11.