Iniulat ng mga otoridad nitong nakaraan na isang kotse ang bumalandra sa riles ng Philippine National Railways sa Pandacan, Maynila na siyang nagpaantala ng biyahe ng mga tren.
Paliwanag daw ng driver ng kotse, papunta siya ng Makati City at doon siya pinadaan ng isang navigation app.
“Galing sila sa Adriatico, sa isang Korean restaurant, and then pauwi na sila sa Makati, dito sila itinuro sa way na ito,” ayon kay Police Captain Michael Oxina, hepe ng Beata Police Community Precinct.
“Pagkanan nila, akala nila isang road na Tomas Claudio, eh naliko pala sila sa riles ng tren,” dagdag pa niya.
Mabuti na lang daw ay hindi nahulog sa butas sa pagitan ng riles ang kotse dahil ilog ang nasa ilalim nito.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakainom ang driver ng kotse. Bukod sa kaniya, may isa pang sakay ang kotse.
Sa tulong ng mga taga-Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay naalis ang kotse sa riles matapos ang ilang oras.
Nakabalik na sa normal ang operasyon ng PNR.
Nakatakdang imbestigahan ng traffic bureau ng Maynila ang insidente. Wala pang pahayag ang PNR.