Inihayag ng Philippine National Police sa Region 7 na napatay sa isang engkuwentro ang isa sa mga suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo habang ang naitalang death toll naman sa pamamaril ay pumalo na sa siyam.
“May isang dead na suspect during an encounter with joint elements of the PNP, AFP and Special Action Force,” saad ni Philippine National Police Region 7 spokesperson Police Lieutenant Colonel Gerard Ace Pelare sa isang panayam.
Ayon kay Pelare, tatlong ibang suspek pa na naaresto sa hot pursuit operation sa Bayawan City noong Sabado ay sumailalim na sa custodial debriefing.
“May na-recover na firearms upon their revelation,” sabi ni Pelare at dagdag niya, kabilang sa mga narecover na armas ay apat na assault rifles at tinitingnan na ngayon kung nakarehistro ang mga ito.
Kung matatandaan, sinabi ng Philippine Army na dalawa sa mga naarestong suspek ay mga dating sundalo at ayon kay Pelare, natanggal ang mga ito sa serbisyo dahil sa absence without leave at mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
“May AWOL, may kasong illegal drugs ‘yung iba. That is probably why they engaged in these activities,” sabi ni Pelare.
“The hot pursuit team composed of the PNP, AFP and SAF are still on the ground conducting hot pursuit operations to ensure ‘yung remaining suspects will be arrested,” dagdag pa niya.
Nitong Sabado ng umaga ay napatay si Degamo at limang iba pa nang pagbabarilin sila ng mga armadong kalalakihan sa kanyang bahay sa bayan ng Pamplona at ayon sa mga ulat ay siyam na ang kabuuang namatay dahil sa insidente.
“We have nine dead, 13 seriously injured, and four outpatients,” sabi ni Pelare.
Ayon pa sa kanya, nakapagpaputok pa ang isa sa mga security detail ni Degamo at natamaan umano nito ang isa sa mga suspek.
“May naka-retaliate na isa sa mga security detail niya causing injury to the suspect. May na-injure din sa mga suspects,” sabi ni Pelare.