Aminado ang aktres na si Cristine Reyes na gusto niyang makatrabaho ang Star for All Seasons na si Vilma Santos at ang award-winning actor na si John Lloyd Cruz at sana umano ay makasama niya si Ate Vi at si Lloydie sa mga susunod niyang projects dahil sigurado raw siya na marami pa siyang matututunan sa mga ito pagdating sa pag-arte.
Inuulan ng mga papuri si Cristine dahil sa natatangi niyang pagganap sa part 2 ng “Maid in Malacañang”, ang “Martyr or Murderer” ni Darryl Yap mula sa Viva Films.
Magaling naman talaga si Cristine sa nasabing movie kaya hindi na kami magtataka kung ma-nominate at manalo siyang best actress sa next awards season.
“Palagi kong nire-request, sana makatrabaho ko yung magagaling na aktor. Siyempre, number one ko si Miss Vilma Santos. Humahanga ako kay John Lloyd Cruz, napakagaling na aktor,” sabi ni Cristine.
After ng “Martyr or Murderer” ay may dalawa pang pelikulang gagawin si Cristine, ang romcom nila ni Empoy Marquez at ang pagsasamahan nilang proyekto ni Baron Geisler.
“Meron akong gagawin na comedy naman for a change. Matagal ko nang nire-request yon para may variations. Pagseselosan ng lahat ng lalake yung susunod kong makakapareha, as in mag-abang kayo kasi nakakaselos talaga. I will also do a movie with Baron . Nakatrabaho ko na si Baron sa Eva Fonda and I think we have a good working relationship,” saad ng aktres.
Gusto rin ni Cristine na maging newscaster dahil idolo niya talaga ang Kapuso broadcaster at news anchor na si Mel Tiangco.
“I wanted to do news. Gusto ko na maging newscaster like Mel Tiangco kasi noong time ko (sa GMA 7) siya yung nandoon. Marami akong gustong gawin. Gusto ko rin sana matutong magsulat kasi marami rin akong creative things that I want to put into films as well. Medyo nagte-take lang ako ng time. Ayoko kasing gawin yung mga bagay na pilit so I wanna take my time to do things that I want to do. I eventually want to write and, who knows, kung saan po ako dadalhin,” sabi ni Cristine.