Aminado ang aktres na si Bea Alonzo na muntik na niyang iwan ang mundo ng showbiz bago nila gawin ni John Lloyd Cruz ang super blockbuster movie na “One More Chance” para manirahan na sa Canada kasama ang kanyang ina.
Sa isang video interview, nabanggit ni Bea na bago pa i-offer sa kanya ng Star Cinema ang “One More Chance” katambal si Lloydie ay naisipan na niyang tumigil sa pag-aartista.
“Alam mo ba before ‘One More Chance,’ hindi na ko mag-aartista dapat. Dapat magmo-move ako ng Canada,” saad ni Bea.
Naisipan daw niya ito noong ginagawa niya ang first book ng Kapamilya series na “Maging Sino Ka Man” kung saan nakasama niya sina John Lloyd, Anne Curtis at Sam Milby.
Inamin ng award-winning Kapuso actress na noong sumapit siya sa edad na 18, na-realize niya na parang hindi niya nagugustuhan “politika” at ang pagiging toxic ng showbiz sa ilang pagkakataon.
“Naisip ko, parang hindi rin ako happy doon sa yung parts ng showbiz na nang-iintriga, yung parts ng showbiz na ma-politika. Parang hindi ko kayang lunukin. Parang sabi ko, alam mo, magma-migrate nalang ako sa Canada,” paliwanag ni Bea.
Kasunod nito, makalipas ang ilang taong pag-aartista, nakaramdam din siya ng burnout dahil sa sunud-sunod na teleserye at pelikula sa ABS-CBN at Star Cinema.
“Hindi na ako happy sa ginagawa ko. As a teenager, para kang…emo, emo ako noon e. Tapos ang hirap talaga ng trabaho namin. Wala kaming cut off. Tapos yung major insecurity ko, hindi ako nakatapos ng pag-aaral. I was good in school. Mahilig akong mag-aral, mahilig akong magbasa,” dagdag ng dalaga.
Minsang nagdi-dinner daw sila ng kanyang ina, binanggit nito ang plano niyang mag-migrate sa Canada kahit na wala silang pamilya roon at magsisimula uli sa wala.
Naiintindihan naman daw ng nanay niya ang kanyang pinagdaraanan at suportado rin nito ang kanyang planong manirahan sa ibang bansa.
Hanggang sa dumating na nga ang “One More Chance.”
“For the first time, parang tinatrato ako nila Direct Cathy (Cathy Garcia-Molina) like an adult. It was the first collaborative work na ginawa ko. Parang sabi ko, ay tingin ko ito ang dapat kong gawin tas ayun nga naging major hit siya. So parang feeling ko yun yung sign ni Lord na I think you should still have to do this. Parang andito ka pa,” saad ni Bea.
Ang “One More Chance” ay isa sa mga highest-grossing film ni Bea with P152.7 million na ipinalabas noong 2007. Nagkaroon ito ng part 2, ang “The Second Chance” (2015).