Nakakasa na ngayong araw ang malawakang tigil-pasada sa buong bansa dahil sa pagtutol ng ilang mga transport groups sa nakaambang modernization program para sa mga tradisyunal na jeepney at mga UV express.
Dahil dito, inaasahang maraming mga kababayan natin ang maapektuhan nito, lalo na ang ating mga mag-aaral.
Kaya naman sa Lucena City, handa na nilang ipatupad ang isang linggong alternative delivery mode sa mga klase sa mga pampubliko at pribadong elementary at high school na maapektuhan ng isang linggong transport strike.
Base sa inilabas ng memoramdum ni Department of Education Lucena Schools Division Superintendent Hermogenes Panganiban, pinapayuhan nito ang mga eskwelahan na i-adopt ang distance learning modalities tulad ng modular at online, depende sa mga paaralan na ang lugar ay maapektuhan ng strike.
Nilinaw nito na walang suspensyon ng klase sa Lucena City.
Ayon kay Panganiban, bagama’t nagpasabi na ang Lucena City Jeepney Operators and Drivers Association o L-JODA na hindi sila lalahok sa isang linggong tigil pasada, posible naman aniyang maapektuhan ang mga estudyante, mga guro at iba pang non-teaching personnel na mangagaling sa mga bayan sa labas ng Lucena City.
Pinayuhan ni Panganiban ang mga maapektuhang guro, estudyante at mga magulang na makipag-ugnayan lamang sa mga school management para maisaayos kung ano sistema ang dapat gamitin.
Hindi naman masama kung magprotesta ang ating mga kababayang drayber at operator, dahil talagang suliranin ang dulot ng modernization program para sa mga hindi alam kung saan kukunin ang pambayad para sa mga modernong jeepneys.
Sana lamang ay magawan ng paraan ng pamahalaan ang problemang ito.