Sasali pala ang TV host-comedienne na si Herlene Budol sa Miss Grand Philippines 2023 pageant na magaganap sa Mall of Asia Arena sa darating na June 2 at ayon sa kanya ay desisyon niya talaga ito.
Si Herlene ang kinoronahang 1st runner-up sa Binibining Pilipinas 2022 pero inamin niya sa isang panayam na medyo napilitan lang siyang mag-join noon dahil sa talent manager niyang si Wilbert Tolentino.
Sabi ni Herlene sa isang interview, talagang gusto niyang subukan ang sumabak sa Miss Grand Philippines.
“Kung ako ang tatanungin, gusto ko yung gusto ng manager ko naman, so sasali po ako. Nu’ng Binibini po, totally hindi ko po talaga gustong sumali. Siya lang po yung nag-motivate sa akin. Nakita niya po yung potensiyal ko daw po,” saad ni Herlene.
“Tinupad niya yung mga pangarap ko, magkaroon ng bahay, sasakyan, mapagamot yung lolo ko, pati yung burol ng lola ko, sinagot niya. So, yung kaligayahan naman po ni Sir Wilbert ang gagawin ko, which is kaligayahan ko din po ngayon, ‘yung mapasaya ko naman siya,” dagdag pa niya.
Nang tanungin kung ano naman ang magiging puhunan niya ngayon sa bagong journey na pagdaraanan niya sa sasalihang pageant, isa langa ng sagot ni Herlene.
“Kapal po ng mukha. Yun po talaga ang number one puhunan ko sa buhay. Wala po akong kahit anong talent, kapal lang po ng mukha. Bibihira po yon, yung talent na yon,” sabi ng dalaga.
Nag-thank you rin si Herlene sa lahat ng mga taong tumulong sa kanya para makamit ang tagumpay at mga pangarap sa buhay.
“Maraming-maraming salamat po, unang-una, siyempre sa Panginoon. Pangalawa, sa buong pamilya ko, lalung-lalo na sa lola’t lolo ko. Nanay, ako na ang bahala sa buong pamilya natin. Hinding-hindi ko sila gugutumin. Mahal na mahal ko sila. At siyempre, Tatay Oreng, shout out sa yo! Magpagaling ka diyan! Huwag mong hihilahin yung catheter mo! Kasi naka-catheter po siya, inoperahan po siya. Tatay, mahal na mahal kita. Tatay, magpalakas ka. Kumain ka nang madami. Huwag lang maalat. Siyempre, sa Papa ko sa showbiz, si Kuya Wil (Willie Revillame).Kuya Wil, maraming-maraming salamat po. Kay Sir Wilbert Tolentino po dahil napunta ako sa tamang tao,” sabi ni Herlene.
Kung siya ang mananalong Miss Grand Philippines this year, siya ang magiging representative ng Pilipinas sa Miss Grand International na gaganapin sa Ho Chi Minh City, Vietnam, sa October 25, 2023.