Hanggang ngayong ay itinutulak pa rin ang pagbabago sa Saligang Batas ng bansa lalo na ang mga economic provisions upang masiguro umano ang pag-unlad ng bansa.
Pero para kay Senador Robin Padilla, na isa sa mga nagtutulak na amyendahan ang Konstitusyon, nais din niyang idamay sa gagawing pagbabago sa Saligang Batas na baguhin o alisin na ang Party-list system na wala na umanong “anghang” at “sustansiya.”
Ayon kay Padilla – na siya ring chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes — dapat mawala ang “cycle of people voting for candidates on the basis of popularity and wealth” sa party-list system.
“Kung mapupunta tayo sa con-con [Constitutional Convention], ‘yan dapat una nating gibain. Dahil ang party-list system ay… my goodness gracious, ‘di ko na makita. Mula magdesisyon ang ating Korte Suprema na payagan na pati mga mayayaman, nawala na po ng anghang at sustansiya. Eh dapat po ‘yan eh mga sektor na ‘di naririnig,” paliwanag ni Padilla.
“Ang kinatawan sa sistemang ito, naging katawa-tawa,” patuloy ng actor-turned-politician.
Ayon sa bagitong senador, dapat palakasin ang party system para bumoto ang mga tao base sa adbokasiya ng grupo at hindi dahil sa sikat o mayaman ang uupo.
“Tigilan na po natin ang kaboboto dahil sikat at dahil ito may pera. Alam niyo kung nabago natin ang Constitution at mapalakas natin ang partido, ang iboboto niyo na po ang adhikain ng partido, ‘di na ‘yung sikat,” sabi pa ni Padilla.
Ayon kay Padilla, hindi magkakaroon ng katuparan ang mga pangakong pamumuhunan na nakuha ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa iba’t ibang bansa kung hindi maamyendahan ang economic provisions sa Saligang Batas ng Pilipinas.
Malalim na usapin talaga ang pagbabago ng Saligang Batas, kaya sana lamang ay talagang pag-aralan ng ating mga mambabatas ang hakbang na ito.