Iniulat ng mga otoridad nitong Martes na natagpuan ang bangkay ng isang college student na nakabaon sa isang bakanteng lote sa Cavite na mahigit isang linggo nang nawawala at hinihinalang nabiktima ng hazing.
Pebrero 19 nang maiulat ang pagkawala ni John Matthew Salilig, isang chemical engineering student mula Adamson University at nakita ang kanyang mga labi matapos umanong ituro ng suspek ang lokasyon nito.
Positibo namang kinilala si Matthew ng kaniyang nakatatandang kapatid na si John Martin.
Base sa kuwento ng kapatid, Pebrero 17 nagpaalam si Matthew na dadalo sa welcoming rites ng isang fraternity sa Biñan, Laguna.
Noong umaga ng Pebrero 18, nakita pang sumakay si Matthew sa isang bus terminal sa Buendia sa may Pasay City, kasama ang ibang miyembro ng samahan, base sa kuha ng CCTV. Noong gabi ng parehong petsang iyon pinaniniwalaan umanong namatay ang biktima.
Ayon sa pangunahing witness sa kaso, nagdesisyon ang grupo na i-dispose ang katawan ni Matthew.
Noong Pebrero 19, nakatanggap umano ng anonymous message si Martin ukol sa sinapit ng kapatid matapos ang welcoming rites.
Kinabukasan ay nag-report si Martin sa Manila Police District, na agad nakipag-ugnayan sa Biñan police.
Natukoy ng mga awtoridad ang 18 suspek, na mahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Law.
Sa isang pahayag ngayong Martes, kinumpirma ng Adamson University ang pagpanaw ng isang estudyanteng naiulat na nawawala, bagaman hindi na ito pinangalan.
Inihayag ng Adamson na nagsasagawa ito ng sariling imbestigasyon sa insidente at tiniyak na makikipag-ugnayan sa mga awtoridad kaugnay sa kaso.
Hinimok din ng Adamson ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga “unverified information” tungkol sa insidente.
Dinala na sa punerarya ang labi ni Matthew. Inihahanda na umano ang autopsy at DNA test bago ito iuwi sa kanilang probinsiya sa Zamboanga.