Ilang transport groups ang humihirit ng isang dayalogo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay ng itinakdang deadline para sa consolidation ng mga tradisyunal na jeep bilang bahagi ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.
Ayon kay Manibela national president Mar Valbuena na hindi sila kinausap ng LTFRB tungkol sa anunsiyo na hanggang June 30 na lang maaaring sumali sa kooperatiba ang mga may-ari ng tradisyunal na jeepney para mapayagan pa rin silang makabiyahe habang inaasikaso ang paglipat nila sa modern jeep.
Dagdag niya, nagtataka ang kanilang hanay na tila nagmamadali ang LTFRB na hindi umano kinonsidera kung paano makakaagapay ang transport groups.
“Sana ho, yung unang taon, hanggang doon sa dalawang taon, pinayagan muna na makapag-form ng kooperatiba. At nung sumunod na taon, pangatlong taon at pang-apat na taon, binigyan po kami ng masa mahabang panahon na makapag-comply at maipaunwa kung ano po yung nilalaman nitong mga guidelines na ito,” saad ni Valbuena.
“Hindi po yung pagkalabas ng guidelines ay bahala ka na sa buhay mong umintindi,” dagdag niya.
Samantala, nagpahayag na rin ang grupong Piston ng pagsuporta sa ikinakasang transport strike ng mga kapwa nilang drayber.
“Handang protektahan ng mga tsuper at maliliit na operator ang kanilang kabuhayan dahil buhay ng pamilya nila ang nakasalalay rito lalo sa panahon ngayon ng matinding krisis sa ekonomiya,” ani Piston national president Mody Floranda.
Kinukuwestiyon ng mga grupo ang utos ng pamahalaan na bumuo sila ng kooperatiba para sa industry consolidation, at ang gastos sa pagpapalit sa modern jeep na nagkakahalagang higit P2 milyon kada unit.
Una nang hiniling ni Transportation Secretary Jaime Bautista na makipagdayalogo sa kanila ang mga drayber bago ikasa ang tigil-pasada.