Nitong nakaraan ay napaulat na may kumalat na langis sa dagat mula sa lumubog na motor tanker MT Princess Empress.
Hindi maikakailang apektado ang mga mangingisda dahil sa oil spill na ito, kaya naman nagbayanihan ang mga mangingisda sa Barangay Tagumpay, Pola, Oriental Mindoro sa paglalay ng palapa ng niyog sa tabing-dagat bilang pangharang mula sa kumalat na langis.
Kabilang ang bayan ng Pola sa mga lugar na apektado ng oil spill at apektado na umano ang kabuhayan ng ilang mga mangingisda dahil imbes na isda, makapal at maitim na langis ang nahahango nila mula sa dagat.
Nangangamba naman umano ang mga mangingisda na nalason na ang mga lamang-dagat dahil sa oil spill.
Samantala, puspusan naman ang paglilinis ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa oil spill sa mga parte ng dagat na lubhang naapektuhan.
Gumagamit na sila ng aparato na humihigup ng langis na kumakalat na sa karagatang sakop ng apat na bayan sa lalawigan.
Kumpirmado na rin umano na ang kumalat na langis ay ang industrial fuel na karga ng lumubog na MT Princess Empress.
Ayon sa Marine Environment Protection Unit ng PCG, may nakuha nang malapot, maitim, at mabahong langis sa lugar kung saan lumubog ang barko.
Nag-spray na rin ang PCG ng oil dispersal chemical, sabay ang paikusap sa mga residente sa mga apektadong lugar na lumayo muna sa mga baybayin. Ipinag-utos na rin sa mga LGU na kordonan ang mga apektadong lugar.
Talagang buhay pa rin ang bayanihan sa puso ng ating mga kababayan. Pero sana lamang ay may maitulong rin ang ating pamahalaan upang maisaayos na ang problemang ito.